MANILA, Philippines – Umabot na sa 204 na pamilya ang apektado ng lindol sa bayan ng Carmen sa North Cotabato noong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 63 pamilya ang mula sa Brgy. Kimadzel, 133 Brgy. Kibudtungan, 6 Brgy. Liliongan at isa sa Brgy. Aroman at Brgy. Ranzo.
Ayon kay NDRRMC spokesman Maj. Ray Balido, pansamantalang nakikituloy ang mga naapektuhang pamilya sa kani-kanilang mga kamaganak.
“Base sa report natin, partially damage ang natamo ng mga bahay na ito. Base na rin sa report na natanggap natin, yung ibang pamilya ay pumunta muna sa kanilang kamaganak nag seek refuge sa kanilang mga kamag anak.”
Ayon pa kay Balido, pinagkalooban na ng Local Government Unit (LGU) ng Carmen ng sampung libong piso ang bawat pamilyang naapektuhan.
“Yung local government ng Carmen namigay na sila ng tig 10-thousand each dun sa 46 family dito sa brgy. Kimadzel. Nakakatanggap na rin tayo ng report na ang provincial givernment ng cotabato ay mamimigay na rin ng tulong financial dun sa mga naapektuhan.”
Samantala, nagsasagawa na ng assesment ang PHIVOLCS, Office of The Civil Defense (OCD) sa mga apektadong barangay.
Sa ngayon ay under state of calamity pa rin ang buong bayan ng Carmen. (Ley Ann Lugod & Ruth Navales, UNTV News)