MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaisa at nagsama-sama ang mga public servant sa dalawang sangay ng pamahalaan, ang executive at legislative branch sa adhikain makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng UNTV Cup.
Pinangunahan nina Senator Ralph Recto at Senator Sonny Angara ang Legislative Team.
“Obviously, very successful itong UNTV Cup 2 at sana magpatuloy ito next year,” pahayag ni Sen. Sonny Angara.
Samantala, pinangunahan naman nina Energy Secretary Carlos Jericho Petilla, Presidential Adviser on Legislative Affairs Secretary Manuel Mamba, TESDA Director General Secretary Joel Villanueva at Optical Media Board Chairman Ronnie Ricketts ang Executive Team.
“We’re here really not to show our skills kasi medyo matatanda na rin tayo but really makibaka lang dahil there’s a call na fun games for the public,” nakangiting pahayag ni DOE Secretary Carlos Jerico Petilla.
Para naman kay TESDA Sec. Joel Villanueva, “I would say one of a kind biruin niyo napagsama sama niyo lahat ng legislators tapos lahat ng nasa executive, mga secretaries and senators and congressmen.”
“Ang ganda kasi it brings us together especially government officials,” saad naman ni Sec. Mamba.
“First time itong magsasama kami ng executive branch and it’s a good bonding,” ani OMB Chairman Ronnie Ricketts.
Samantala, tinalo lamang ng isang puntos ng Team Executive ang Team Legislative, 66-65 sa kanilang exhibition match na sinaksihan ng libo-libong manonood sa Big Dome.
Sa kabuoan, naging matagumpay ang isinagawang UNTV Cup season 2.
“Nag-e-entertain na tayo pero nakakatulong pa rin tayo dahil sa serbisyong ibinibigay natin sa mga kasangbahay,” saad ni UNTV Cup Commissioner Atoy Co.
Hindi magkamayaw sa hiyawan at excitement ang mga taga-suporta ng liga sa Smart Araneta Coliseum mula sa exhibition game hanggang sa championship match sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Hindi rin maikakaila na marami ang sumusuporta sa ganitong uri ng serbisyo publikong pinasimulan ng UNTV sa pamamagitan ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon.
“Ang ating motibasyon at inspirasyon, ang paggawa ng mabuti ay hindi magbubunga ng masama. Anchored po tayo sa paniniwala na tayo’y maliit na kasangkapan ng Panginoon sa paggawa mg mabuti sa kapwa. Mananatili ang kapurihan sa Panginoon, to God be the glory,” pasasalamat ni Kuya Daniel.
Dagdag pa rito, buo rin ang suporta ng Members Church of God International (MCGI) sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano sa natatanging charity basketball league ng mga public servant.
Kaugnay nito, naglaan naman ng isa’t kalahating milyong piso ang MCGI at UNTV para sa beneficiary ng magwawaging koponan, habang P650,000 ang mapupunta sa beneficiary ng first runner up.
Samantala, nag-uwi naman ang MMDA Blackwolves ng P150,000 bilang 4th runner up, habang P250,000 naman ang naiuwi ng Team Judiciary bilang third runner up ng paligsahan.
Tumanggap din ng plaque of appreciation ang mga nasabing koponan ganun din ang iba pang koponang sumali sa UNTV Cup season 2 tulad ng House of Representatives Solons, LGU Vanguards, Senate Defenders, at Malacanang Patriots.
At sa ikalawang pagkakataon, muling itinanghal bilang Most Valuable Player si PO2 Allan Omiping ng PNP Responders. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)