MANILA, Philippines — Mas mahabang pila ng mga sumasakay ng LRT Line 2, ito ang pinangangambahang senaryo hanggang sa susunod na linggo.
Simula pa noong isang araw ay single journey ticket lamang ang mabibili sa mga istasyon ng LRT Line 2 dahil nasira ang ticket sorting machine na nag-e-encode ng halaga sa ticket.
Kayat kailangan na ring pumila at magsiksikan ang mga gumagamit ng stored value ticket upang bumili ng single journey ticket.
“Magiging hassle yan para sa akin kasi gusto ko pagpunta ko dito pasok agad. Kaya nga ko sasakay ng LRT para mabilis pero kung laging pipila, hassle yun tsaka baka mag-isip pa ako na dumiretso na lang sa jeep”, saad ni Jason Coro na isang commuter.
Ayon sa tagapagsalita ng LRT, maaari naman silang makagawa ng mga stored value ticket subalit mas prioridad nila na gumawa ng single journey ticket alang-alang sa mga hindi kayang bumili ng stored value ticket.
“Kailangan natin gumawa ng priority, anung uunahin nating i-produce, single journey ba o stored value. Kaya lang, 75% ng ating pasahero single journey user yan so mapakarami. Mga 25% lang ang stored value so priority natin ang single journey ticket”, pahayag ni LRT-MRT Spokesperson Atty. Hernando Cabrera.
Ang payo ng pamunuan ng LRT Line 3, pumunta ng mas maaga sa mga istasyon, sa ganitong paraan maiiwasan ang dagsa ng tao at mas mabilis kang makakarating sa iyong destinasyon.
Ang isang commuter na sumasakay araw araw ng LRT na nakabili ng isang 100 peso na stored value ticket, dalawang beses lamang sa isang linggo pipila upang bumili ng ticket hindi katulad ng single journey ticket na halos araw-araw pumipila.
Nasa mahigit dalawang daang libo araw-araw ang bilang ng mga sumasakay sa LRT 2 gamit ang single journey ticket habang dalawampu’t limang porsyento nito ay mga gumagamit ng stored value ticket.
Upang maibsan ang mahabang pila, magpapatupad ng crowd control ang LRT Line 2.
“Magpapasok ngayon, stop entry na naman. Yun na yung crowd control natin. Iniiwasan natin na mapuno masyado yung area otherwise wala silang mapwestuhan dun. Iniiwasan natin yung stampede or mga untoward incident, kinokontrol natin yung pasok”, ani Cabrera.
Ayon sa pamunuan ng LRT, inorder pa ang mga piyesa ng nasirang ticket sorting machine mula sa Hongkong at sa Lunes, sa susunod na linggo pa ito makukuha.
Inaasahan na sa katapusan sa susunod na linggo maaayos ang ticket sorting machine ng LRT Line 2. (Mon Jocson, UNTV News)