
MANILA, Philippines – Inilatag na ng Department of Health (DOH) ang timeline sa isasagawang solidarity trial ng World Health Organization (WHO) sa bansa para sa potensiyal na bakuna laban sa novel coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bago matapos ang buwan ng Setyembre ay tutukuyin na ang COVID-19 vaccine candidates na isasama sa trial at kung saan ito isasagawa. Nasa 34 vaccine candidates ang pinagpipilian para sa nasabing pagsusuri.
Sa Oktubre naman target simulan ang solidarity trial ngunit paglilinaw ni Vergeire, maaari pang magbago ang schedule depende sa magiging pasya ng WHO.
“Nagkaroon na ng meeting with the subtechnical working group for vaccine development kung saan, nagbigay naman ng mga updates ang WHO regarding this kasama ng team natin. Mag-uumpisa kasi una sa isang pilot site tapos, all the sites that were identified already, isasama na,” ayon sa opisyal ng DOH.
Maliban sa WHO, patuloy rin aniya ang negosasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang kumpanyang developer at nagsasagawa ng pag-aaral para sa potensiyal na COVID-19 vaccine.
“Iyong Sinovac, yung Sinopharm, iyong kanilang confidentiality disclosure agreement we have already transmitted it to them, so while we have not received their response yet, we cannot say anything about the negotiations first because of the CDA,” ani Vergeire.
“So, hintayin natin bumalik sa atin yun with their comments and then we can finalize it and then we can give information to the public,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ng Department of Science and Technology na sa walong zone mula sa Metro Manila, Cebu at Calabarzon na may matataas na kaso ng COVID-19 isasagawa ang solidarity trials. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post WHO Solidarity trial para sa potensiyal na bakuna vs COVID-19, posibleng simulan sa Oktubre – DOH appeared first on UNTV News.