MANILA, Philippines — Karaniwan nang problema ng mga motorista lalo na sa Metro Manila ang mga binabahang lugar kapag bumuhos na ang malakas na ulan.
Bunsod nito, tinukoy na ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang dalawampu’t dalawang lugar na madalas binabaha upang matulungan ang mga motorista at commuters na makaiwas sa mabigat na trapiko at sa mga panganib na naidudulot ng baha.
Kabilang sa mga flood prone area ay ang kalye ng España-Antipolo-Maceda sa Maynila, R.papa-Rizal Avenue at P. Burgos-Manila City hall area, Philcoa, Edsa-North avenue, Edsa Camp Aguinaldo Gate 3, Quezon Avenue sa pagitan ng Victory Avenue at Biak na Bato sa Quezon city, Osmeña-Skyway Northbound, Don Bosco, Buendia-South Superhighway sa Makati, West service road, Merville sa Parañaque at East service road, Pasong Tamo extension sa Magallanes, Buendia extension, Macapagal Avenue at World Trade Center.
Kasama rin dito ang NLEX Balintawak-clover leaf area. Maging ang EDSA Megamall, C-5 BCDA Taguig, C-5 McKinley road at C-5 Bayani road, C-5 Bagong ilog sa Pasig city.
Kaya naman pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na humanap ng alternatibong ruta kapag malakas ang ulan lalo na tuwing rush hour.
Natukoy ng MMDA na baradong mga drainage ang madalas na dahilan ng pagbaha sa mga naturang lugar at kasalukuyan itong isinasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Natukoy din ng MMDA ang pitumpu’t pitong ongoing road projects na kung matatapos ay makatutulong upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Apat na pu’t siyam sa mga ito ay proyekto ng DPWH habang ang ilan ay proyekto ng mga water utility company. Kabilang dito ang Skyway Stage 3 Project at NAIA Expressway Project.
Ayon sa MMDA, napag-desisyunan nilang ianunsyo sa publiko ang mga naturang proyekto upang matulungan ang mga motorista at mga mananakay na planuhin ang kanilang mga lakad.
Magpapakalat din ang MMDA ng mga flood control crews na kinabibilangan ng mga barangay tanod sa mga kritikal na lugar upang maka-responde sa mga emergency call lalo na kapag mayroon malalakas na bagyo.
“Sa bawat barangay na laging binabaha at nagdudulot ng traffic, para sila ang unang magmando ng traffic dun lalong-lalo na kapag dis oras ng gabi. Sila na yung taga-roon kaysa maghintay pa ng tao naming. Sila na yung nandun sa area”, pahayag ni MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino.
Samantala, inaasahan na ngayong darating na Biyernes ay matatapos na ang drainage project sa kanto ng Lerma at Morayta sa España, Maynila. Makakatulong ito upang maibsan ang mga pagbaha sa kahabaan ng España.
Ang payo ng MMDA sa mga motorista at mga mananakay, planuhing mabuti ang inyong mga lakad upang huwag maabala at makaiwas sa mabigat na trapiko. (Mon Jocson, UNTV News)