MANILA, Philippines — Aminado ang Philippine National Police (PNP) na unti-unti ng nauubos ang budget sa pananatili nina Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada, Janet Lim-Napoles at Sen. Juan Ponce Enrile sa kanilang detention facilities.
Ang PNP ang sumasagot sa mga gastusin mula sa pag-aresto at maging sa mga pangkaraniwang pangangailangan ng mga detinido sa loob ng kabilang ang mga pagbiyahe at pagharap sa korte.
“It is a drain not only human but material resources and of course as well as the performance of the police operations but we continue to abide and respect the orders of the court”, ani PNP PIO Chief P/C Supt. Reuben Theodore Sindac.
Ayon kay Sindac, ito ang dahilan kaya’t nag request na ng karagdagang budget ang PNP sa kongreso .
“Merong supplemental budget na hinihingi as well as for the next budget dahil sa posibility nga na sa amin mapalagay itong mga high profile detainees ng matagal na panahon.”
Gayunman, sinabi nito na mas nakakatipid sila kay Enrile kung ikukumpara kay Janet Lim-Napoles na gumagastos ng 120k kada biyahe.
Sagot din daw ng senador ang kanyang mga gamot kayat hindi na ito kasama sa ginagastusan ng PNP.
“Yung kanyang medisina naman at mga partikular na medical needs na wala kaming kinalaman dahil may mga specific siyang mga gamot ay sa kanya naman yun. Lalo na doon sa eye center. ”
Samantala sa loob naman ng PNP General Hospital, maayos naman daw na nakatulog ang senador kagabi. Nakapag-exercise din kaninang umaga, nag-almusal ng pandesal, kesong puti at dalawang boiled egg na supply ng hospital.
Nasa 135/60 ang blood pressure, 61 beats per minute ang pulse rate.
Hindi rin natuloy kahapon ng alas otso y medya ng umaga ang 2 d eco test ni JPE at sa halip ay gagawin ito ng ala-sais ng gabi kapag kakaunti na ang tao sa PNP General Hospital. (Lea Ylagan, UNTV News)