MANILA, Philippines — Walang masamang epekto sa trabaho ni Department of Budget and Management Secretary Florencio Butch Abad ang mga isyung kinakaharap nito sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Kabilang na dito ang isinampang plunder complaint ng Kabataan Partylist, Youth Act Now at National Union of Students of the Philippines sa Office of the Ombudsman laban sa budget secretary.
“Kahit naman po may kaso na ngayon, hindi po nagbago yung— hindi po nagbago si Secretary Abad. Ang kaniyang ginawa po ay para lang mapabilis ang paggamit ng pondo ng ating kaban para mas gumaganang mga proyekto. Iyon po ang naging layon ng Disbursement Acceleration Program”, pahayag ni Presidential Spokesman Secretary Edwin Lacierda.
Muli ring ipinagtanggol ng Malacañang si Secretary Abad sa DAP issue.
“Winaldas ba ang pera ni Secretary Butch Abad? Hindi. Ninakaw ba ang pera? Hindi. Very, very clear, categorical answers that none either acts happen. Did he personally gain to it? Hindi rin”, ani Lacierda.
Naniniwala rin si Lacierda na malalampasan ng administrasyong Aquino ang mga kritisismong ibinabato dito dahil sa DAP.
“On the need to inform people what are the effects, I supposed to say, that’s our role.”
Kaugnay nito, umaasa ang Malacañang na tutuparin ng Office of the Ombudsman ang mandato nito na imbestigahan ang inihaing reklamo ng naturang grupo ng mga kabataan laban kay Secretary Abad. (Nel Maribojoc, UNTV News)