MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga empleyado ng Sandiganbayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag nang patawan ng buwis ang kanilang tinatanggap na fringe benefit.
Ayon sa ipinalabas na Revenue Memorandum Order 23-2014 ng BIR noong June 20, 2014, may obligasyong bawasan ng witholding tax ang mga government official at employee hindi lang sa kanilang sahod kundi maging ang mga bonuses at benefits.
Ayon sa mga empleyado ng Sandiganbayan, malaking kabawasan na umano ito sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Sana naman po nanawagan kami sa BIR na kung pwede i-wave na yung taxes sa mga katulad po namin na marami kaming anak at mga simpleng empleyado,” panawagan ni Narciso Baldiva, machine operator sa Sandiganbayan.
Kahapon ng tanghali, nagtipun-tipon ang mahigit sa 100 empleyado nito sa harap ng Sandiganbayan upang ipakita ang kanilang karaingan sa pamahalaan.
Panawagan ni Maurino Aguilar, tagapanguna ng Judiciary Employees Association, “Hindi lahat ng benepisyo namin ay dapat buwisan.”
Samantala, nagpaplano rin ng grupo na maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang hilingin ang temporary restraining order sa memorandum na ito ng BIR. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)