MANILA, Philippines — Sa pagdinig ng Sandiganbayan First Division kahapon sa mosyon na makapagpiyansa sa kasong plunder si Janet Lim-Napoles, dismayado ang abogado nito na si Atty. Stephen David sa mga iniharap ng prosekusiyon na mga testigo .
Unang sumalang sa witness stand ng prosekusyon si Susan Garcia, ang assistant commissioner ng Commission on Audit (COA). Nagprisinta ito ng ilang Special Allotment Release Order (SARO) na nagpapakitang may inilaan si Senator Revilla sa piling mga NGOs ni Napoles.
Ayon sa kanilang SARO’s, may mahigit P65 million na PDAF si Revilla na napunta sa dalawang NGO ni Napoles; P40 million sa Social Development Program for Farmers at P25 million sa Masaganang Ani para sa mga Magsasaka Foundation.
Sumunod na sumalang ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na sina Carmencita Delantar at si Lorenzo Drapete.
Nagprisinta rin ang mga ito ng ilang SARO na prinoseso ng kanilang opsina na may kinalaman sa PDAF ng senador na napunta sa mga implementing agencies at NGO’s ni Napoles.
Ayon kay Atty. David, tila gumagawa lamang ng delaying tactics ang prosekusyon.
“Ang gusto namin yung malakas na witness ang iprisinta. Si COA mag-a-identify lang ng mga dokumento. Ang gusto namin ang hinihingi namin this is a summary hearing petition to bail gusto namin mga matitinding witnesses ang iprisinta.”
Dagdag pa nito, “Siyempre nakakulong ang mga akusado, eh di kapag nakulong ang mga akusado eh di patagalin na lang natin itong kaso ganun naman yun.”
Hiling ng kampo ni Napoles, iharap na sa korte ang mga whistleblowers na sina Benhur Luy at Merlina Sunas.
Katunayan, handa raw si Napoles na tumestigo sa sarili nitong kaso kung ihaharap ng prosekusyon ang mga whistleblowers.
Samantala, itutuloy ang pagdinig ng First Division ng Sandiganbayan sa mga mosyon ni Sen. Revilla, Janet Lim-Napoles at Richard Cambe na makapagpiyansa sa kasong plunder sa Hulyo 17, Huwebes.
Inaasahan ang pagdalo ng mga whistleblower ngayong nasa listahan na rin sila na mga testigong gagamitin ng prosekusyon. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)