MANILA, Philippines — Muntik pang hindi matuloy ang pagbasa ng sakdal kanina kay Sen. Juan Ponce Enrile sa kasong plunder dahil sa health condition nito.
Naghain ng motion to defer arraignment sa korte ang senador.
Dito pinagsalita ng mga justice si Enrile tungkol sa kanyang kalagayan.
Ayon kay Enrile, posibleng makasama sa kanyang kalusugan kung itutuloy ang arraignment dahil noong mga nakaraang araw ay umaabot sa 210/100 ang kanyang blood pressure. Sinabi rin nito na mayroong nakakabit sa kanyang isang device upang regular na mamonitor ang kanyang heartbeat. Dalawang doktor ang sumuri sa 90 taong gulang na senador bago basahan ng sakdal.
Upang makasiguro, ipinatawag ng korte si Dr. Santos mula sa PGH, at ayon sa doktor 160/70 ang huli nilang nakuhang BP kay Enrile.
Ipinatawag rin ng korte si Sandiganbayan Dr. Eduardo Viola upang suriin ang kondisyon ng senador at lumabas na 150/80 nalang ang BP nito.
Matapos ang eksaminasyon, kinumpirma naman ng doktor ng PGH na nasa tamang kondisyon si Enrile at maaari itong basahan ng sakdal. Dahil sa katandaan, pinahintulutan ng korte na manatiling nakaupo ang senador sa buong proseso ng kanyang arraignment.
Hindi ito nagpasok ng plea.
Ayon kay Atty. Estelito Mendoza, naniniwala ang kanyang kliyente na walang hurisdiksyon ang korte na hawakan ang kanyang kaso.
Sinabi rin nito na base sa impormasyong inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan, hindi nakasaad doon na direktang tumanggap ng kickback ang senador kay Napoles. Nakatakdang i-aplela ng kampo ni Enrile sa Korte Suprema ang kaso.
Ang kapwa akusado naman na si Janet Lim-Napoles nagpasok ng not guilty plea.
Hindi naman natuloy ang pagbasa ng sakdal kay Gigi Reyes, ang dating Chief of Staff ni Enrile na akusado rin sa plunder at graft.
Ayon sa kanyang abugado na si Atty. Anacleto Diaz, hindi maayos ang health condition ni Gigi kaya hiniling nito sa korte na ipagpaliban muna ang kanyang arraignemnt.
Ipinagutos naman ng Sandiganbayan 3rd division na isama sa susunod na pagdinig ang mismong doktor na sumuri kay Reyes upang makumpirma ng korte ang kondisyon nito.
Itinakda sa July 18 at 25 at August 1 and 8, 1:30 ng hapon ang preliminary conference sa kaso habang sa August 18 naman ang pretrial.
Muling babalik sa Sandiganbayan si Enrile sa July 18 para naman sa arraignment sa kanyang kasong graft matapos itong ipagpaliban ng korte dahil sa motion to admit amended information na inihain ng prosekusyon. (Grace Casin, UNTV News)