MANILA, Philippines — Nasa 125 metric tons ng imported na bawang ang nakumpiska ng Bureau of Customs dito sa Manila International Container Terminal o MICT.
Natagpuan ito sa limang container van mula sa China.
Kinokunsidera itong smuggled matapos matuklasan na wala itong kaukulang sanitary at phyto-sanitary permit mula sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa Bureau of Customs, nakakahalaga ito mahigit sa ₱37m.
“So hihintayin lang naming yung 30-day period para maumpisahan na yung proceedings para ma-formally forfeit na itong goods na ito in favor of government”, saad ni Bureau of Customs Commissioner John Philip Sevilla.
Ang kargamento ay dumating noon pang June 12 sa bansa mula sa Jining Shuntianli Import & Export company Ltd. na nakabase sa Shandong, China.
Nakapangalan ang consignee sa Jayson International Trading subalit itinanggi naman ng managing director nito na sa kanila ang kargamento.
Ang pag-iimport ng bawang ng walang kaukulang permiso ay paglabag sa Presidential Decree no. 1433 o ang promolgation ng Plant Quarantine Law of 1978.
Kung papasa sa sanitation test, plano ng BOC na ipa-bid ang mga nakumpiskang bawang o kaya’y ibebenta sa Department of Agriculture.
“We will sample yung mga nakuha and tetesting-in po natin yan for human fitness, for consumption and whether meron po itong pest and deseases. Kasi nga po dumating po ito ng walang SPS clearance”, pahayag ni Department of Agriculture Usec. Emerson Palad.
Samantala, lumabas sa pagsusuri ng DA na ligtas kainin ang mga imported na bawang na nakumpiska naman sa Batangas port kamakialan.
May 19 pang container van ang sa ngayon ay hawak ng MICP matapos matuklasang wala ring kaukulang dokumento ang mga ito. (Rey Pelayo, UNTV News)