Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Ilang petitioner sa DAP, aapela sa desisyon ng Korte Suprema

$
0
0
Atty. Harry Roque (UNTV News)

Atty. Harry Roque (UNTV News)

MANILA, Philippines — Aapela sa desisyon ng Korte Suprema ang ilan sa petitioner laban sa Disbursement Acceleration Program o DAP.

Ito ay kahit pa kinatigan ng korte suprema ang kanilang kahilingan na madeklarang illegal ang paggamit ng bilyong pisong pondo na inilipat ng administrasyong Aquino sa naturang programa.

Ayon kay Attorney Harry Roque, maghahain sila ng motion for reconsideration upang hilingin sa kataas-taasang hukuman na linawin kung hanggang saan nga ba ang nasasaklaw ng kapangyarihan ng pangulo na magdagdag ng pondo sa budget.

“Tingin naming, may mga punto na kinakailangan magbigay-linaw ang Korte Suprema. Unang-una magkano ba talaga yung pwede i-augment sa mga existing line item? Kasi mayroon at least tatlo kaming nakita na yung isa ay 26 times more, yung isa doble, dun sa probinsiya ng Tarlac”, ani Roque.

Halimbawa nito ayon kay Roque ang Dream Project ng DOST na binigyan ng karagdagang 1.6 billion pesos na pondo sa ilalim ng DAP kahit mahigit 500-million pesos lamang ang orihinal na pondong ibinigay dito ng kongreso.

“May mga proyektong nakita kami na 26 times na na-augment ang budget. Ibig sabihin hindi na augmentation yun, that’s a new project altogether. So yung mga pagkakataon na ito, kapag binago na yung proyekto, kinakailangan kongreso pa rin ang magbibigay ng basbas.”

Hihilingin din ng mga petitioner sa Korte Suprema na tuluyang ipagbawal ang paglalaan ng lump sum na pondo sa taunang budget ng gobyerno.

“Kinakailangan din na address-in ng hukuman yung lump sum appropriation dahil dun sa kanyang naunang desisyon sa PDAF ay sinabi niya na unconstitutional ang PDAF, dahil lahat ng mga proyekto ay dapat i-include sa national budget by way of line item. So wala na talagang dahilan para magkaroon ng lump sum appropriation dahil yung lump sum appropriation ay parang sinusurrender ng kongreso yung kanyang kapangyarihan na siya ang magsabi kung saang proyekto dapat gastusin ang kaban ng bayan.”

Maaari namang maghain ng motion for reconsideration ang mga petitioner hanggang sa darating na Lunes. (Roderick Mendoza, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481