MANILA, Philippines — Isang contact center ang binuo ng ilang ahensiya ng pamahalaan at pribadong grupo na magsisilbing sumbungan ng mga Micro Small and Medium Enterprises o MSME’s laban sa mga tiwaling opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Tatawagin itong Walang Asenso sa Kotong hotline o WASAK.
Inilunsad ang hotline sa Civil Service Commission Compound sa Quezon City kanina na sinaksihan nina Sen. Bam Aquino, CSC Chair Francis Duque, Investment Ombudsman Melchor Carandang, at COO Donald Dee ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.
Kasama rin sa kampanya ang Department of Trade and Industry, Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, National Competitiveness Council at bantay.ph.
Ayon kay Sen. Aquino, na siya ring chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, panahon na upang wakasan ang katiwalian sa pamahalaan dahil itinataboy nito ang maliliit na negosyo at pinipigilan ang paglaki ng iba pang negosyo.
“Bawat hakbang po, iba-iba ang posibleng penalty. It could be administrative so CSC, criminal, kaya nandyan po ang DOJ. We are hoping na isa po itong paraan na maramdaman ng ating mga mamamayan na mayroon silang kasangga o katulong pagdating sa laban sa korupsyon sa ating bayan”, paliwanag ng senador.
Ang Contact Center ng Bayan o CCB ay isang lugar kung saan pwedeng magreklamo tungkol sa kotong, red tape, tongpats at mga under the table na negosasyon sa pamamagitan ng text, email at pagtawag sa telepono.
Sa ating mga kababayang nagnanais na mag-reklamo sa mas mabilis at epektibong paraan, maaari lamang itext o tawagan ang WASAK hotline numbers na 16565 at 0908-881-6565.
Maliban sa pagtugon sa mga reklamo, magbibigay payo rin ang WASAK hotline sa maliliit na negosyante tungkol sa pagpapalaki ng negosyo, marketing, product development at financial management. (Bianca Dava, UNTV News)