MANILA, Philippines — Nilinaw ngayon ng Department Of Health (DOH) at National Housing Authority (NHA) na wala itong planong i-relocate o isapribado ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Taliwas ito sa naunang napabalitang paglilipat at pagpapaalis sa nasabing ospital.
“There is no plan as the NHA is concern na paalisin po sila dito at i-devote ang area for other purposes”, pahayag ni NHA General Manager Atty. Chito Cruz.
Dagdag pa ng NHA, wala ring katotohanan na nag-issue ito ng notice of eviction sa PCMC.
Ayon kay DOH Secretary Enrique Ona, sa ngayon ay bumuo na ang kagawaran ng task force na mangunguna sa modernization plan ng PCMC.
Paliwanag ng kalihim, matagal na nilang hinihintay ang proposal para sa modernization ng PCMC ngunit walang binibigay ang mga ito.
Plano ng DOH na humingi ng pondo sa DBM at Department of Finance na nagkakahalaga ng 1 million upang mabayaran na ang utang sa NHA at makuha na ang titulo ng lupa na kinatatayuan ng PCMC.
“Hahanapan natin ng pondo, kung saan manggaling,and most likely it will come from in certain strategies kaya marami ginagawa paraan ang government on how you can allocate”, ani Ona.
Sinagot din ni Ona ang isyu kaugnay ng planong paglilipat ng PCMC sa compound ng Lung Center of the Philippines.
Ayon sa kalihim, isa lamang ito sa mga option ng kagawaran dahil sa matagal nang panahon na walang isinusumiteng proposal ang PCMC.
Nito lamang nakalipas na Mayo ay nagkapagsumite na ng modernization plan ang pamunuan ng children’s hospital.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang pag-aaral sa isinumiteng modernization plan.
Sa oras na maaprubahan ang plano, idadaan pa rin ito sa ilang proseso na pangkariniwang tumatagal ng halos isang taon. (Joan Nano, UNTV News)