MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas ang kaso ng pamilya Servando dahil sa ginawang paglabas ng bansa ng apat na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na suspek sa hazing na ikinamatay ng diese-otso anyos na si Guillo Cesar Servando.
Ito ang paniniwala ni Atty. Joel Tovera, Chief ng National Bureau of Investigation Death Investigation Division.
Sa panayam ng UNTV News, sinabi nitong ang pagtakas ng apat na suspek ay pag-amin na rin ng kanilang kasalanan.
“Bukod sa malakas ang ating ebidensya, may sinsabi po sa batas na flight is an indication of guilt. Masabi na may kinalaman talaga sila dahil lumayo o tumakas sila sa kasagsagan ng imbestigasyon.”
Gumagawa na rin ng hakbang ang NBI at Department of Justice upang ma-trace ang kinaroroonan ng apat na suspek at maibalik sa bansa upang mapanagot sa kanilang pagkakasala.
Nauna nang kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakaalis na ng bansa ang mga akusadong sina John Kevin Navoa, Emmerson Calupas, Hans Tatlonghari at Eleazar Pablico.
Unang umalis si Navoa patungong Amerika tatlong araw matapos maganap ang hazing.
Kamakailan lamang ay naglabas na rin ng lookout bulletin order ang DOJ laban sa mga suspek habang iniimbestigahan pa ang kaso.
Samantala, kinumpirma ni Tovera na nailagay na sa provisional coverage ng witness protection program ang tatlong suspek na sumuko sa NBI.
Sila ay sina Jomar Pajarito, ang caretaker ng bahay kung saan isinagawa ang initiation rites, alias Primero at alias Segundo.
“I want to make it clear that the WPP accepted them under provisional custody. I-eevaluate pa rin nila yan kung gaano kahalaga ang kanilang testi para ma-recommend sila na state witness sa court”, ani Tovera. (Bianca Dava, UNTV News)