MANILA, Philippines — Dumanas ng malawakang brownout ang timugang bahagi ng Luzon region kabilang na ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon dahil sa taglay na lakas ng bagyong Glenda.
Tinatayang 86 % sa mga pangkalahatang customer ng Meralco ang apektado nito.
Ayon sa pahayag ng Meralco, nahihirapang mag-supply ng kuryente ang mga planta dahil sa lubhang naapektuhan ang Southern Luzon Grid ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Dagdag pa nito, sa kasalukuyan ay nagsasagawa sila ng assessment sa laki ng pinsalang dulot ng bagyo sa mga distribution facility nito tulad ng mga poste, transformer, linya ng kuryente maging ang subtransmission lines.
Nakikiusap din ang Meralco ng pang-unawa ng mga kasambahay habang nagsasagawa ng kanilang restoration efforts sa tulong na rin ng NGCP at iba pang stakeholders. (Rosalie Coz, UNTV News)