Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga taga CAMANAVA, naramdaman din ang lakas ng Bagyong Glenda

$
0
0

Malakas na hangin ang dala ng Bagyong Glenda na nagging dahilan upang ang ilang mga puno sa Valenzuela ay mabuwal (UNTV News)

MANILA, Philippines —  Iba’t ibang insidente bunsod ng Bagyong Glenda ang nasaksihan ng UNTV News team sa CAMANAVA area kahapon, araw ng Miyerkules.

Malakas na hangin at buhos ng ulan ang naramdaman ng mga taga-Valenzuela City kahapon ng alas-9 ng umaga.

Halos hindi makita ang kalsada sa lakas ng buhos ng ulan. Sa lakas ng hangin, ilang puno ang nabuwal.

Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, kahit walang baha sa lungsod ay ilang kalsada naman ang hindi madaanan.

“Ang nagiging problema natin ay yung mga bumagsak na puno, bumagsak na railing, mga lumipad na yero. Dahil sa lakas ng hangin mayroon tayong mga obstruction sa kalsada.”

Matapos humupa ang bagyo nagsimula na ang road clearing teams ng lungsod upang alisin ang mga debri sa kalsada.

Umabot sa 50 pamilya ang inilikas.

Sa Malabon, dahil sa lakas ng hanging dala ng Bagyong Glenda ay halos matumba na ang isang haliging bakal sa Brgy Potrero. Dahil dito, agad na pinaalis ang mga residenteng nakatira sa ilalim ng poste sa pangambang madaganan sila sakaling tuluyan itong mabuwal.

Sa Barangay Concepcion naman, natuklap ang bubong ng isang bahay sa lakas ng hangin. Sumabit pa ang yero sa kawad ng kuryente kaya napasugod sa lugar ang mga tauhan ng MERALCO upang alisin ito.

Mahigit 70 pamilya sa Malabon ang inilikas mula sa Barangay Potrero, Dampalit at San Agustin dahil sa lakas ng hangin.

Ayon sa mga residente, Martes pa lang ng gabi sinimulan na ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation.

“Boluntaryo kaming umalis kasi natatakot kami hindi masyadong malakas ang ulan kaya lang ang hangin sobra talaga. Nawala na yung bubong namin. Kaya pinag-aalala ko lahat ng gamit namin na naiwan,” pahayag ni Evelyn Faeldo, residente sa lugar.

Sa Navotas, halos 500 pamilya na nakatira sa tabing dagat at tabing ilog ang inilikas ng city government sa mas ligtas na lugar dahil sa paghagupit ng Bagyong Glenda sa Metro Manila.

Ilang bata naman ang sinipon, inubo at nilagnat na agad naming inasikaso ng medical team ng city government.

“Dahil sa hangin bumigay yung bubong namin, yung dingding nagtanggal. Tapos natakot po kami baka bigla bumaha dahil sabi may high tide yung iba tabing ilog kaya lumikas,” saad ni Digna Macasio, residente sa lugar.

Matapos hambalusin ng malakas na hangin ang lungsod, nasunog naman ang isang storage building ng Seaport Royal and Royal Pacific sa Lapu Lapu Corner Bangus st. Barangay NBBS.

Dito nakatago ang mga fish net at banyera ng kumpanya.

Ayon kay F/C Insp. Paul Pili, Fire Marshall ng Navotas City, alas-11:28 ng umaga nang magsimula ang sunog na umabot sa 5th alarm.

“Initial report nag-accumulate yung heat kasi nagshut off yung kuryente dahil sa bagyo. Accumulate yung heat dahil yung ventilator niya di gumana dahil shut off kuryente. Nagkaroon ng init so nagkaroon ng sunog.”

Alas-12:34 ng tanghali nang ideklarang fire under control ang sunog matapos rumesponde ang mahigit 20 firetrucks.

Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa sunog. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481