MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang tatlong Pilipino sa 298 pasahero ng Boeing 777 ng Malaysia Airlines na pinabagsak umano sa border ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, mismong ang CEO ng Amsterdam Schiphol Airport ang nagkumpirma ng balita.
Sa ngayon ay hawak na ng DFA ang mga pangalan ng tatlo, subalit kailangan muna itong ipaalam sa pamilya ng mga nasawi.
“Upon the request of Malaysian Airlines, we will allow the airlines to notify the next of kin. If they are unable to do so and if they request our assistance, we will assist in notifying the family,” ani Jose.
Base sa impormasyong ibinigay ng DFA, mag-iina ang tatlong Pilipino na nakasama sa bumagsak na eroplano. Kinabibilangan ito ng isang middle-aged mother, na nakapag-asawa ng Indonesian, at dalawa nitong anak na babae at lalaki.
Nakabase sa The Netherlands sa Europe ang mag-iina at magbabakasyon lang sana sa Asya.
Dagdag ni Jose, tinututukan na ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur ang updates sa trahedya. Tiniyak din nitong handang tumulong ang pamahalaan sa pamilya ng mga biktima.
“Our embassy in Kula Lumpur and the hague are prepared to extend all necessary assistance to the families of the victims… especially if the next of kin would like to visit where the remains will be taken.”
Nagpaabot naman ang Malakanyang ng pakikiramay sa pamilya ng mga pasahero at crew ng MH17.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., kaisa sila ng international community sa mga nananawagan sa malalim at mabilis na pagsisiyasat sa sanhi ng trahedya.
Samantala, kinumpirma ni Jose na umiiral ngayon ang alert level 2 sa mga overseas Filipino worker sa Ukraine dahil sa tensyon na dulot ng sagupaan ng Russian militants at Ukrainians. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)