MANILA, Philippines — “Iimplementa ng NFA itong price freeze sa presyo ng bigas sa mga calamity stricken areas, yung mga lugar na nag-declare ng state of calamity.”
Ito ang tiniyak ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Kiko Pangilinan, matapos na masira ang mga palayan sa mga bayan na tinamaan ng Bagyong Glenda .
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang Albay, Camarines Sur, Naga City, Samar, Obando, Bulacan at Laguna.
Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na naaprubahan na ng NFA Council ang importasyon ng halos dalawang daang metriko toneladang bigas bilang karagdagang suplay.
Ngunit ayon sa kalihim, muli silang hihiling ng karagdagang 200 metric tons na rice importation sa susunod na NFA Council meeting.
Ayon kay Sec. Pangilinan, tinatayayang nasa mahigit 80,000 metric tons ng bigas ang nasira ng Bagyong Glenda.
Tiniyak din ni NFA Chief Administrator Arthur Juan ang pakikipatulugan ng mga stakeholder sa patuloy na pagsusuplay ng NFA rice.
“This different group showed their support to Sec. Pangilinan and to NFA in terms of making NFA rice available especially during those critical times of July, August and September.”
Dagdag pa ni Juan, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga stakeholder upang mapanatili ang presyo ng NFA rice kung saan bente-siete pesos ang kada kilo ng regular milled habang thirty-two pesos naman ang kada kilo ng well milled.
Nangako din ang NFA Administrator na patuloy ang isasagawang nila monitoring upang masigurong maibibigay ang sapat at murang NFA rice sa publiko. (Joan Nano, UNTV News)