MANILA, Philippines — Tinutugis na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dealer at user ng panibagong party drug na tinatawag na “Green Apple”.
Ang droga, na kinuha ang pangalan sa mismong kulay nito ay replacement sa ecstasy at fly high.
“Substitute nila ito, kasi putok na nga ang fly high. Bagong innovation ng drugs na naman ito na nanggaling pa sa Europe. Ang tawag nila green apples”, ani NBI Anti-drugs Unit Head Atty. Eric Isidro.
Ayon kay Isidro, ilan sa mga epekto ng green apple ay ang increased heart rate, paranoia, hallucinations, insomnia at disorientation.
Ginagamit rin ang droga bilang performance enhancer.
“Party pills. Gusto sumayaw, ayaw sa maliwanag. Gusto may kayakap, sexual urge enhanced, masaya sila. Ang bad side effects, nade-depress o nagkakaroon ng heart attack.”
Kadalasan umanong binibenta sa mga paaralan at unibersidad ang green apple drugs. Ang mga gumagamit nito, kinukuha ang kanilang supply sa online.
Paliwanag ni Isidoro, maraming sistema na ang ginagawa sa ngayon ng mga drug user sa pagbabayad. Isa na rito ang pag-iwas na magkaroon ng personal contact ang buyer at seller. Iiwan ang droga sa ilalim ng upuan o lamesa sa campus at saka ito kukunin ng buyer.
Ang ilan ginagamit ang money courrier o sa pamamagitan ng bitcoins.
“Bitcoins, parang load ba, pinapasa sayo, pero hindi mo malalaman kung sino nagpasa sayo. Mode of payment na walang money.”
Nakipag-ugnayan na ang NBI sa Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board upang masolusyonan ang problemang ito.
Ilang dealer at seller na rin ang nahuli ng NBI sa kanilang buy-bust operations.
Isa na rito ay ang bente-uno anyos na college dropout na si alias ‘Boy’ na umaming gumagamit at nagbebenta ng green apple sa mga eskuwelahan sa Taft Avenue.
“200 kinikita ko. 1300 binibili, binibenta ko 1500” saad ni Boy.
Gayunpaman, ayon sa NBI, kailangang pang i-reclassify bilang isang iligal na droga ang naturang party drug.
Mahigpit namang ipinagbabawal sa Amerika at Europa ang Green Apple. (Bianca Dava, UNTV News)