MANILA, Philippines — Nakapagsalita na si Pangulo, yun na yun.”Ito ang reaksyon ni Bise Presidente Jejomar Binay sa nationally televised speech ni Pangulong Aquino ukol sa DAP noong Lunes.
Hindi gaanong nagbigay ng komentaryo si Binay na isyu ng pinangangambahang constitutional crisis dahil sa hindi pagkakaunawaan ng pangulo at Supreme Court tungkol sa DAP.
Ngunit pabor ito na magkaroon ng full disclosure kung saan ginugol ang pondo sa DAP. Nanawagan rin ito na magkaroon ng independent audit sa DAP ng pamahalaang Aquino.
Ayon naman sa Malakañang, ang talumpati ni Pangulong Aquino, ay walang layon na magkaroon ng constitutional crisis, o magkaroon ng banggaan ang dalawang sangay ng gobyerno.
“Noong siya ay nagtalumpati, sinikap ng pangulo na maging magalang sa kaniyang pananalumpati. Sinabi niya ang kaniyang paniwala ang kinakailangan para maipahiwatig ang katuwiran ng pamahalaan sa paghingi ng rekonsiderasyon”, ani Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr.
Sinabi rin ni Coloma na posibleng ngayon ay magpa-file na ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang Malacañang. Nilinaw rin ng Malacañang na wala silang kinalaman sa hakbang ng kamara na silipin ang judiciary development fund.
“Wala naman pong agenda o layunin na gumanti o resbakan. Wala yan sa bokabularyo ng ating administrasyon.”
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na kasama sa posibleng managot ang mga line agency kung mapatutunayang nagkaroon ng misuse sa mga pondong inilaan sa ilalim ng DAP.
“Lahat ng ahensya ng pamahalaan ay mayroong accountability sa pagtitiyak na yung mga pondo na dumaloy sa kanilang ahensya ay nagamit sa tamang at sumunod sa ginawang patakaran ng batas.” (Bryan De Paz, UNTV News)