MANILA, Philippines — Tumangging magpasok ng plea ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes sa kasong plunder.
Naging emosyonal si Reyes habang binabasahan ng sakdal at hiniling nitong makaupo sa tabi ng kanyang abogado habang sinasagawa ang arraignment.
Nang matapos na ang pagbabasa ng sakdal kay Reyes, kinuhanan siya ng blood pressure ng doktor ng sandiganbayan dahil nakaramdam ito hng pagkahilo at nanghihina. 120/80 ang blood pressure ni Reyes at ayon sa doktor ay normal naman ito.
Sinabi ng abogado ni Reyes na si Atty. Anacleto Diaz, taliwas sa mga napapabalita, walang natatanggap na special treatment ang kanyang kliyente kahit may mga karamdaman ito.
“Kaya nga hindi kami humihingi ng special treatment eh. This is consistent with where she comforted herself. Right from day one, no special treatment. We only want the equal treatment”, saad ng abogada ni Reyes na si Atty. Anacleto Diaz.
Itinakda naman ang preliminary conference ni Reyes sa kasong plunder sa July 25, August 1 at 8.
Sa July 22 naman itinakda ng 3rd division ng Sandiganbayan ang pagdinig naman sa mosyon ng prosekusyon sa suspension ni Sen. Juan Ponce Enrile. Kanina sa pagdinig ng korte ay pinagbigyan pa ng pagkakataon ang depensa ni Enrile na makapagpasa ng kanilang oposisyon hanggang Lunes.
Samantala, kinatigan ng Sandiganbayan ang mosyon ng prosekusyon na suspindihin sa tungkulin si Senador Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng PDAF scam.
Sa inilabas ng resolusyon ng 5th division ng Sandiganbayan, sinususpindi si Sen. Jinggoy Estrada sa loob ng 90 days o mahigit 3 buwan.
Kasama sa suspension ang mga benipisyo ni Estrada bilang senador.
Gayunpaman, hindi kaagad maipatutupad ang suspension ni Estrada kung i-aapela ito ng kampo ng senador.
“The suspension order is not really immediate. lt effective kasi it says there unless a motion for reconsideration is files by the accused so we are still given the opportunity to file our motion for reconsideration”, pahayag ni Atty. Alexis Abastillas-Suarez, abogado ni Estrada.
Maging sina Senator Juan Ponce Enrile at Bong Revilla Jr. ay naghain din ng motion for reconsideration sa hiling ng prosekusyon na suspendihin sila bilang mga senador dahil sa kanilang kasong plunder at graft.
Naka-pending pa sa dalawang division ng Sandiganbayan ang resolusyon kina Enrile at Revilla. (Joyce Balancio, UNTV News)