Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Target na rice self-sufficiency, hindi naabot noong 2013; ngunit ani ng bansa, pinakamataas sa kasaysayan – DA

$
0
0

Isang magsasaka ang nagbubuhat ng isang sakong palay na kaniyangnagapas (UNTV News)

MANILA, Philippines — Noong 2013, itinakda ng Department of Agriculture (DA) na mararating ang  target na maging rice self-sufficient ang bansa  sa pamamagitan  ng 19 million metric tons ng palay ang kailangang maani.

Kapag narating ito maaring kumaunti na lang ang aangkating bigas o maaring hindi na mag-import.

Ngunit bago matapos ang 2013, naging malabo ang maisakatuparan ang target na ito ng kagawaran dahil binayo ang bansa ng sunod-sunod na kalamidad.

Ayon sa Department of Agriculture, napuruhan ang mga pangunahing taniman sa bansa ng mga bagyong nagdaan noong 2013 kaya’t hindi nito naabot ang target na rice self-sufficiency sa bansa.

“Nagsisimula palang po ang harvest ng Nueva Ecija. Tinamaan po siya ng bagyo eh. Alam naman po natin rice granary po ng bansa natin yung Central Luzon plus the later part of the year, tinamaan din po ng ilang pagbabaha yung Mindanao plus ito pong Kabisayaan ay hinagupit ng Bagyong Yolanda”, pahayag ni DA Secretary Proceso Alcala.

Sa kabila nito ay ipinagmalaki parin ng DA ang naging  produksyon ng palay sa bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino.

“In 2010, ito po’y 82% lang ng sufficiency level natin at ngayon po’y naging 96 nga. Siguro naman po hindi siya ganon naging masama just after 3 years eh.”

Nito lamang Mayo ngayong taon ay inalis sa DA ang pangangasiwa sa 4 na malalaking ahensya nito.

Ang National Food Authority, Philippine Coconut Authority, National Irrigation Administration at Fertilizer and Pesticide Authority.

Itinalagang kalihim ang dating senador na si Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization (PAFSAM).

“Sabi ko nga po di po baga at mas maigi yung 2 kalabaw na kakayod sa ating magsasaka kaysa nag-iisa”, ani Alcala.

“I’m here to clean up this agencies”, saad ni PAFSAM Sec. Pangilinan.

Agad na sinalubong si Pangilinan ng pagtaas ng presyo ng bigas na naglalaro sa 40 pesos at ng pesteng Cocolisap sa mga puno ng niyog at prutas sa iba’t ibang taniman sa bansa. Maging sa biglaang pagtaas ng presyo ng bawang.

Isa sa iniimbestigahan ay kung mayroon bang nangyayaring manipulasyon sa supply at presyo ng bigas.

“Kung merong sabwatan, kung merong coalition, kung meron involve na mga NFA official, kinakailangan silang managot.”

Sa ngayon ay nagdagdag na ng importasyon ng bigas ang bansa samantalang naka-amba naman ang  pagkakaroon ng El Niño phenomenon.

Hanggang sa ngayon ay mababa parin  ang  water level sa Angat dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila at nagsu-supply sa mga palayan sa Bulacan at  Pampanga.

“It terms of the usual impact of El Niño na less rains than normal. By October, makikita na yung impact”, wika ni Dr. Flaviniana Hilario ng PAGASA.

Problema rin ngayon ng industriya ng niyogan ang pagkalat ng peste na kung tawagin ay coconut scale insect o Cocolisap.

Pangamba ng ahensya na bagama’t maliliit lamang ito ay maaari naman lumumpo sa industriya ng niyog sa bansa.

“If we do not intervene, it can reach Bicol region and Zamboanga peninsula by the end of the year”, paliwanag ni Sec. Pangilinan. (Rey Pelayo, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481