Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Libu-libong motorcycle riders, nagsagawa ng protesta vs. ilang ordinansa sa Metro Manila

$
0
0

Ang protesta ng libu-libong motorcycle riders vs. ilang ordinansa sa Metro Manila. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Halos 7-libong motorcycle riders ang muling nagsagawa ng motorcade kahapon, Linggo, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa ilang umiiral na regulasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communications (DOTC).

Sa pamamagitan ng busina at maiingay na makina ng mga motor, ito na ang ikatlong kilos protesta sa taong ito.

Nais din tutulan ng mga motorista ang panukalang plaka vest sa Quezon City kung saan kinakailangang magsuot ng vest na may printed plate number sa likod.

“Hindi ito ang sulosyon sa kriminalidad dahil ito ay magdadagdag lang ng panibagong problema. Magagamit pa ito ng mga kriminal upang iligaw yung mga humahanap sa kanila,” pahayag ni Oliver “Do Maxwell” Licup, National President ng Arangkada Riders Alliance.

Mariin din ang kanilang pagtanggi sa isinusulong na limited back ride sa Mandaluyong City, kung saan hanggang first degree lamang o immediate family lang ang maaring i-angkas sa motor.

“Paano ang mga girlfriend, papaano ang mga ka-opisina, mga kamag-anak o kaibigan. Marami ho dyan nagtatarabaho ang kasama nila co-messenger nila tapos ipagbabawal nila hanggang first degree. Hindi ho ito sumusunod sa ating saligang batas at bill of rights,” mariing pahayag ni Joebert Christian Bolanos, Presidente ng Motorcycle Rides Organization.

Mula sa EDSA-White Plains, umarangkada ang iba’t ibang grupo ng mga motorcycle rider at tinungo ang Eliptical Road sa lungsod ng Quezon.

Sa tapat ng city hall, sinunog ang isang mock vest na lumalarawan sa di-umano’y palpak na solusyon sa kriminalidad.

“Kung yan lang po ang inyong nalalaman para matapos ang mga krimen dito sa QC, hinahamon namin po kayo na magbitiw na lang kayo sa katungkulan ninyo,” ani Mohammad Hamsa, Presidente ng QC Motorcycle Riders Federation.

Police visibility na may sapat na armas, malalim na intelligence tactics at paggamit ng CCTV ang ibig makita ng libu-libong rider.

Nais din nilang linawin ang mga batas kung ano ang bawal at hindi bawal sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Isang signature campaign sa Quezon City ang ikinasa upang ipakita ang paglaban sa umano’y paninikil sa mga motorista. (Bernard Dadis / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481