ZAMBALES, Philippines — Patuloy pa rin ang isinasagawang assesment ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Zambales dahil sa iniwang pinsala ng Bagyong Glenda nitong nakaraang linggo.
Sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), wala pa ring kuryente sa 24 na barangay sa lalawigan kabilang ang Barangay Angeles, Antipolo, Burgos, East Dirita, Luna, Pundakit, San Miguel sa bayan ng San Antonio.
Wala ring kuryente sa Barangay Faranal, Sindol, Maloma at Apostol sa bayan ng San Felipe, Barangay Lucero at Burgos sa bayan ng San Marcelino.
Gayundin sa Barangay Omaya, Paite, Namatacan, Siminublan, Dalipawen at Beddeng sa bayan ng San Narciso; Barangay Loobbunga, Mambog, Porac at Baquilan sa bayan ng Botolan, at Barangay Gama sa Sta.Cruz.
Ayon sa ulat, mayroon pa ring mga poste na kailangang ayusin at palitan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Glenda.
Bukod sa mga bayan na walang kuryente ay mayroon ring ina-anunsyong rotational brownout sa buong lalawigan.
Kaugnay nito, umabot sa sa P3,251,753 ang pinsala ng Bagyong Glenda sa mga pananim, habang P53,000 naman sa livestock batay sa inisyal na ulat. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)