MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang ika-limang State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III, nagtipon-tipon kaninang umaga ang mga health advocate para sa isang State Of the Nation Health Address na pinangunahan ni dating Health Secretary Dr. Esperanza Cabral.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga pangunahing suliranin sa sistema ng kalusugan sa bansa.
Una na rito ang kakulangan ng mga health worker, partikular na sa mga pampublikong pagamutan.
Ayon kay Dr.Cabral, sa ngayon ay nasa halos anim na pu’t anim na libong doktor, limang daan libong nurse at pitumpu’t pitong libong midwife ang nagpraktis ng kanilang propesyon at rehistrado sa Philippine Regulatory Commission.
Ngunit sa kabila nito, nasa halos tatlong libong doktor, limang libong nurse at labing pitong libong midwife ang kasalukyang nagbibigay ng serbisyo sa mga pampublikong pagamutan.
“Kung pagsasamahin wala pa sa tatlong mangagawang pangkalusugan ang nangangalaga sa bawat sampung libong Pilipino, kakarampot kung ikukumpara sa rekomendasyon ng WHO na 24 mangagawang pangkalusugan ang kailangan sa bawat sampung libong tao.”
Dagdag pa ni Cabral,hindi lamang mga doktor,nurse at midwife ang kulang sa bansa, kundi maging mga dentista, medical technologist, pharmacist, barangay health workers at iba pa na nasa larangan ng kalusugan.
Sinabi pa nito na may posibilidad na hindi maabot ng bansa ang millenium development goals sa susunod na taon dahil hindi naman sa nadadagdagan ang dami ng mga mangagawang pangkalusugan na dapat sanang magtataguyod ng mga programang kinakailangan upang makamit ito.
Mas lumalala din aniya ang kakulangan ng serbisyo sa mahihirap, dahil mas higit pang nagagamit ang PhilHealth ng mayayaman kaysa sa mga mahihirap.
“Noong taong 2013, makalipas ang isa pang dekada mas lumala pa ang sitwasyon. Bagaman sa pangkalahatan, marami na ang gumagamit ng PhilHealth. Higit na lumaki ang bilang ng mga mayayaman na nakikinabang dito kumpara sa mga mahihirap.”
Sa datos ng Coalition for Primary Care, 47.6 percent ng mga Pilipino namamatay ang hindi nakikita ng doktor o ng kahit sinong health worker.
Panawagan ng mga health advocate sa pamahalaan, sana ay matugunan na ang krisis pangkalusugan sa bansa. (Joan Nano, UNTV News)