MANILA, Philippines — Fully restored na ang supply ng kuryente ng MERALCO sa buong Metro Manila.
Ayon sa MERALCO, lubhang nasalanta ng bagyo ang kanilang mga transmission line sa south area ng Luzon.
Sa Batangas, nasa mahigit 14-libo pa ang walang kuryente, mahigit isang libo sa Bulacan, mahigit 22-libo sa Cavite, sobra sa anim na pu’t pitong libo sa Laguna, halos anim na pung libo sa Quezon at mahigit tatlong libo sa Rizal.
Ito ay tatlong porsyento na lamang ng mahigit limang milyong kabuuang bilang ng mga customer ng MERALCO.
Sinabi ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga na bagama’t fully restored na sa Metro Manila, maaring may ilang lugar pa ang walang supply ng kuryente na dapat na ipagbigay alam kaagad sa kanila upang magawan ng aksyon.
Nilinaw naman ng MERALCO na hindi magkakaroon ng epekto sa bill ng mga customer ang mga nasirang pasilidad ng kumpanya gaya ng nangyari ng mga nagdaang bagyo.
Samantala, pinangangambahan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magkakaroon ng epekto sa labor sector ang power crisis sa susunod na taon.
Una ng ipinahayag ni Department of Energy Secretary Jericho Petilla na magkakaroon ng kakulangan sa supply ng kuryente sa bansa sa 2015.
Ayon sa TUCP, kung hindi ito maagapan ay maaari itong mauwi sa kawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya dahil na rin sa pagtitipid ng mga kumpanya.
“Mag co-cost cutting ang business sector,” pahayag ni TUCP Executive Director, Luis Manuel Corral.
Pagkatapos ng SONA ng pangulo sa Lunes, magpapasa ng rekomendasyon ang TUCP kay Pangulong Aquino upang mapaghandaan ang krisis sa supply ng kuryente sa susunod na taon. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)