MANILA, Philippines — Tiwala si Marikina 2nd District Representative Romero “Miro” Quimbo na walang dapat ikabahala ang taumbayan sa hindi pagkakaunawaan ng administrasyong Aquino at Korte Suprema matapos na ideklarang unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon, inilarawan ni Congressman Quimbo ang mga kasakuluyang pangyayari sa tatlong sangay ng pamahalaan bilang matibay na ebidensya ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.
“Kitang-kita mo kung gaano kalusog ang demokrasya, may malakas kang popular na presidente, kinokontra ng Korte Suprema, isang kongresong bugbog sarado mula sa ehekutibo, bugbog saradong nanggagaling sa hudikatura, wala kang nakitang kongreso na mas dapa pa sa pambubugbog at pang aalipusta. That’s democracy and walang kahit isang branch ng gobyerno na nananaig o kumakaripas sa takot,” pahayag nito.
Sa usapin naman ng impeachment complaints na isinampa laban sa pangulo, naniniwala si Quimbo na hindi ito uusad hindi dahil sa walang suporta mula sa mayorya ng kongreso kundi dahil bukod sa kulang sa ebidensya ay hindi rin ito napapanahon.
Idinetalye rin ng kongresista kung bakit hindi maituturing na ilegal o labag sa saligang batas ang paggamit ng savings ng gobyerno bilang pangtakip sa iba nitong proyekto o gastusin.
Gayunpaman, sinabi ng kongresista na dapat na irespeto at tanggapin ng pangulo ang desisyon ng Supreme Court ukol sa DAP.
Aniya, “We have to accept it as a lawyer, we have to accept because the Supreme Court, however wrong it is, is always correct.” (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)