MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa employer ng OFW na pinugutan ng ulo sa Benghazi, Libya.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, sa ngayon ay wala pang tiyak na araw kung kailan maiuuwi sa bansa ang labi ng biktima.
Dagdag pa nito, pahirapan ang pag-uuwi sa bansa ng labi ng Pilipinong construction worker.
“Hindi ganun kasimple ang pagrepat ng remains. Dadaan sa police, hospital, etc. hindi madali, kahit sa ordinary circumstance it may take some time.”
Ayon pa kay Jose, sa kasalukuyan ay ang mga foreigner kabilang na ang mga Pilipino ang nagiging “high value targets” ng mga rebeldeng grupo sa Libya.
Dahil dito, patuloy ang apela ng pamahalaan sa mga OFW na mag-avail ng repatriation offer bunsod ng tumitinding kaguluhan sa lugar.
“Tuloy-tuloy ang panawagan sa mga kababayan dun na i-avail ang repat offer primary concern ang safety, sagot naman ng pamahalaan ang pamasahe,” ani Jose.
Base sa tala ng DFA, mahigit limang daang Pilipino pa lamang ang nagparehistro upang ma-irepatriate matapos ipatupad ang voluntary repatriation sa Libya, dalawang buwan na ang nakalilipas.
202 na mga Pilipino rito ang pending pa ang repatriation dahil sa hindi pa makakuha ng exit visa mula sa Libyan government. Sinabi ni Jose na ginagawa na nila ang lahat upang ma-isyuhan sila ng exit visa sa lalong madaling panahon.
Ayon pa kay Jose, dahil sarado na ang lahat ng paliparan sa Libya ay maglalakbay “by land” ang mga ililikas na OFW patungong Egypt o Tunisia upang makasakay ng eroplano pauwi ng bansa.
Sa ngayon ay nakataas ang alert level 4 o mandatory repatriation sa mga OFW sa Libya. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)