MANILA, Philippines — Mula sa putik, unti-unting hinulma ng grupong BAYAN ang mukha ng effigy saka pininturahan at dinikitan ng papel.
Pinagsamasamang maliliit na kawayan naman ang bumubuo sa ilang bahagi ng effigy. Magdadalawang linggo na itong ginagawa ng grupo at nakatakdang tapusin sa linggo.
Ang 12-talampakang effigy ni Pangulong Aquino ay may temang “Holdaper King” na simusimbulo umano sa ilegal na paggamit ng Disbursement Acceleration Program o Dap na ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Taon-taon sinusunog ng grupo ang effigy bilang pagpapakita ng kanilang pagkadismaya sa performace ng pangulo.
“Mayroon itong upuan na sinasabi ang kapangyarihan ng president. May baril para ipakita yung pagiging Holdaper King niya at nakaupo siya sa trono kung saan pinaghaharin niya ang ating bayan”, paliwanag ni BAYAN Visual Artist Aldrein Silanga.
Sa mismong araw ng SONA, tinatayang aabot sa mahigit 12-libong raliyista ang magsasagawa ng kilos protesta.
Gaya ng nakaraang taon, dala ang higanteng effigy ay magmamartya ang grupo mula Tandang Sora, Luzon Avenue patungo sa Commonwealth Avenue.
Kasabay rin nilang magsasagawa ng pagkilos ang mga grupo mula sa iba’t ibang probinsya.
3:30 ng hapon bago ang SONA ng pangulo ay susunugin ng grupo ang effigy.
Ayon kay BAYAN Sec. Gen. Renato Reyes, sesentro ang kanilang pagkilos sa isyu ng DAP, pork barrel scam, ekonomiya, edukasyon at kahirapan.
Bagsak na grado pa rin ang ibinigay ng grupo sa pangulo dahil hindi nito nasosolusyunan ang problema ng bansa.
“Ang bago ngayon malaking issue, ang pork at yun ang nagtutulak sa marami na lumahok dahil naghihirap ang bayan at kunukurap lang naman ang pondo. Mayroon tayong impeachment complaint ngayon at sa kauna-unahang pagkakataon haharap ang pangulo sa kongreso na may nakaampang impeachment complaint sa kanya”, ani Reyes. (Grace Casin, UNTV News)