MANILA, Philippines — Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address o SONA nitong nakaraang taon, inilatag ni Pangulong Aquino sa joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kaniyang priority bills.
Ito ang mga panukalang-batas na sa tingin niya ay dapat unahing ipasa ng Kongreso.
Pangunahin na rito ang Bangsamoro Basic Law na magiging instrumento upang maipatupad ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
Ang hiling ng Pangulo, ipasa ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law bago magtapos ang 2014.
Hiniling din ng Pangulo na gawing prayoridad ang pag-amyenda sa Cabotage Law, na inaasahang magpapababa sa gatusin sa transportasyon ng mga produkto; ang pagpasa sa Fiscal Incentives Rationalization Bill, na naglalayong gawing simple ang mga panuntunan sa mga dayuhang negosyante na planong maglagak ng kanilang puhunan sa bansa; at ang Land Administration Reform Bill.
Kasama na rin dito ang pag-review at pag-repeal sa Presidential Decrees 1113 at 1894 na ayon sa Pangulo ay nakakasagabal sa pagtatayo ng highway na magdudugtong sa NLEX at SLEX.
Mula Agosto ng nakaraang taon hanggang sa ngayon 38 bagong batas ang naipasa ng Kongreso at nalagdaan ni Pangulong Aquino.
Ngunit wala ni isa sa mga ito ang kabilang sa mga priority bills ng Pangulo.
Isa sa nakitang dahilan dito ang hindi pakikipagpulong ni Pangulong Aquino sa LEDAC o ang Legislative-Executive Development Advisory Council.
Ngunit dati nang iginiit ng Palasyo na maayos ang relasyon nila sa Kongreso kahit hindi nagpupulong ang LEDAC. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)