MANILA, Philippines – Sabado pa lamang ay nakaantabay na ang ilang pulis sa Commonwealth Avenue para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Lunes.
Base sa pamunuan ng PNP, 10-libong tauhan nila ang itinalaga sa iba’t-ibang panig ng Commonwealth Avenue hanggang sa Batasan area upang hindi makalusot ang mga raliyista.
Dinepensahan rin ng PNP ang reaksyon na overkill ang pagbabantay sa SONA ng presidente na bumuo pa ng Task Force Kapayapaan 2014 na may apat na mga subtask force tulad ng Task Force Criminality, Task Force Antabay, Task Force Rimland at Task Force Reserve.
Wala ring mga baril ang mga pulis na miyembro ng Civil Disturbance Management Unit subalit mayroon naman silang naka-standby na Special Action Force kung lalala ang sitwasyon.
Iginiit din ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na hindi nila ipinagbabawal ang pagpapahayag ng saloobin ng mga raliyista subalit sa mapayapa at maayos na paraan lamang.
Magpapatupad din sila ng maximum tolerance upang maiwasan ang gulo sa pagitan ng pulis at raliyista. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)