MANILA, Philippines — Hindi pa man nakakailang minutong nagpapahayag ng ulat sa bayan si Pangulong Benigno Aquino III, sabay-sabay na lumabas ng session hall ang walong kongresistang miyembro ng Makabayan Bloc.
Suot ang kulay peach na barong at Filipiniana na simbolo umano ng salitang “im-peach-ment” pinapakita ng mga ito ang matinding pagkadismaya sa administrasyong Aquino, lalo na nang ideklarang unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ang mga naturang kongresistang rin ang nag-endorso ng tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino dahil sa isyu ng DAP at EDCA.
Samantala, lalong tumindi ang hamon sa Makabayan Bloc nang ipahayag ng 42 miyembro ng Partylist Coalition na hindi nila susuportahan ang impeachment complaint.
Ayon kay Partylist Coalition Secretariat Ako-Bicol Rep. Rodel Batocabe pag-aaksaya ng oras at pera ng gobyerno ang impeachment complaint gayong wala nalang sapat na batayan ang reklamo.
Hindi naman susuko si Bayan Muna Party-List Rep. Neri Colmanares dahil nakahanda daw siyang kausapin kung maaari ang bawat kongresista upang ipaliwanag ang nilalaman ng complaint lalo na sa isyu ng pag-bypass ng Pangulo sa kapangyarihan ng kongreso sa pag-aapruba sa budget.
Samantala, hindi naman dumalo sa SONA ni Pangulong Aquino si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.
Ayon sa kongresista, may mas importante siyang aasikasuhin sa kanyang distrito kaysa dumalo sa SONA ng Pangulo.
Si Revilla ay ang maybahay ni Sen. Bong Revilla Jr. na ngayon ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame dahil sa kasong plunder at graft sa Sandiganbayan kaugnay ng pork barrel scam.
Nitong Lunes rin ay nagbukas na ang second regular session ng Kamara.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., nais nilang mag-double time sa mga panukalang batas na may kinalaman sa pagpapalago ng ekonomiya gaya ng proposed amendments sa Foreign Investments Act at ang ChaCha.
Sinabi rin nito na dadaan na sa tamang proseso ang lahat ng batas na ngayon ay nabinbin gaya ng FOI bill, Anti-Political Dynasty bill at maging ang impeachment compalint laban sa Pangulo. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)