MANILA, Philippines – Nanawagan ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa Commission on Higher Education (CHED) na isulong pa rin ang pagtuturo ng Filipino subject sa kolehiyo bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.
Ito ay sa kabila ng inilabas na Memorandum Order no. 20, series of 2013 ng CHED na nag-aalis sa mga Filipino subject sa general education curriculum at sa halip ay papalitan ito ng revised core courses na maaring ituro sa ingles o sa Filipino.
“Ang aming kahilingan hindi lamang sa CHED kundi maging sa kongreso ay suportahan na magkaroon ng at least 9 units na itinuturo sa wikang Filipino at bahagi yan ng itinuturo naming na intellectualization of the language,” panawagan ni Komisyoner Virgillio Almario, tagapangulo ng KWF.
Ayon pa kay Komisyoner Almario, sa ngayon ay naghahanda na sila ng mga programa at seminar para sa mga guro na makatutulong upang mas magamit pa ang mga ito sa pagtuturo, hindi lamang sa Filipino subject kundi maging sa iba pang aralin.
“Yung ating mga teachers sa universities sa halip na tanggalin ay bigyan pa ng retooling para hindi lamang wikang Filipino ang kanilang maituro, kundi magamit nila ang wikang Filipino sa pagtuturo ng iba pang disiplina.”
Malaking tulong rin aniya ito sa mga guro na posibleng mawalan ng trabaho sakaling matuloy ang nasabing kautusan ng CHED.
Paliwanag naman ng CHED, sa ngayon ay binabalangkas pa rin nila ang revised memorandum dahil hindi pa rin nito nakukumpleto ang consolidated suggestions mula sa mga unibersidad.
Samantala, inilatag din ni Almario ang ilan sa mga programa na inihanda ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon na may temang “Filipino Wika ng Pagkakaisa”.
May dalawang aktibidad para sa pag-obserba sa Buwan ng Wika, isa na rito ang pagtataas ng watawat sa pangunguna ni PCOO Secretary Herminio Coloma Junior.
Pagkatapos nito ay magtutungo ang grupo sa lalawigan ng Batangas upang ibahagi ang ganap na pagpapatupad ng Executive Order 335 ni dating Pangulong Corazon Aquino na nag-aatas na gamitin ang wikang Filipino sa lahat ng transaksyon at komunikasyon sa gobyerno.
Gaganapin naman sa Agosto 7-9 ang Pambansang Kongreso sa Salin na naglalayong tipunin ang mga taga-salin, eksperto, guro at mga estudyante upang talakayin ang usapin ukol sa pagsasaling pampanitikan at teknikal sa bansa.
Bahagi din ng pagdiriwang ang paglulunsad ng aklat ng bayan sa darating na Agosto 15-20 sa National Museum of the Philippines, kung saan magbibigay ang KWF ng buy 1 take 2 sa mga bago at lumang aklat nito kasama na ang question and answer at book signing mula sa mga author nito. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)