MANILA, Philippines — Naglabas na ng suspension order ang Sandiganbayan 1st Division laban kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. at chief of staff nito na si Atty. Richard Cambe dahil sa kasong plunder at graft na kinakaharap nila kaugnay ng pork barrel scam.
Sa inilabas na resolusyon ng 1st Division, pinagbigyan ang mosyon ng prosekusyon na suspindihin si Revilla at Cambe sa loob ng 90 days o aabot sa tatlong buwan.
Binanggit nila sa resolusyon ang Section 5 ng Republic Act 7080 na nagsasabing ang sinomang opisyal ng gobyerno na nahaharap sa kasong katiwalian kahit pending pa sa korte ang kaso ay maaaring masuspindi sa kanyang puwesto.
Kalakip din sa suspension ang lahat ng benepisyo nito sa trabaho.
Una nang kinuwestiyon ng kampo ni Revilla ang validity of information ng kasong plunder at graft na inihain ng korte laban sa kanya.
Sinagot naman ito ng korte sa kanilang resolusyon at sinabing may probable cause sa kaso ni Revilla at sa mga co-accused nito.
Samantala, nito lamang Biyernes ay hiniling ni Sen. Jinggoy Estrada sa hinaing motion for reconsideration na bawiin ng korte ang suspension order na inilabas laban sa kanya noong July 17.
Ayon sa kanyang mosyon, “made in bad faith” ang mosyon ng prosekusyon na suspendihin siya sa puwesto.
Hindi naman self-operative o agad agad na maipatutupad ang suspension order lalo na’t kinukuwestiyon ng mga akusado ang naging basehan ng kasong plunder at graft na inihain sa kanila kaugnay ng PDAF scam.
Kapuwa iniakyat nina Sen. Bong Revilla Jr. at Sen. Jinggoy Estrada sa Korte Suprema ang kanilang pagkukwestiyon sa impormasyon ng kasong plunder at graft laban sa kanila.
Bagama’t nakabinbin pa sa mataas na hukuman, naglabas pa rin ng suspension order ang Sandiganbayan laban sa mga senador. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)