CEBU CITY, Philippines — Nagtamo ng gasgas at sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan at bukol sa ulo si Alvin Villareza, matapos sumemplang ang kanyang motorsiklo habang binabaybay ang tunnel sa South Road property, Cebu city mag alas dos ng madaling araw nung Linggo.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at dinala sa Cebu City Medical Center upang masuri ng doktor.
“Itong driver itinabi na namin kasi maraming sasakyang dumadaan. Gumagapang na siya mula doon sa unahan, siya lang mag-isa,” ani Edgar Del Pilar na isang Cebu City Traffic Operations Management (CITOM) traffic enforcer.
Ayon sa biktima, masyadong mabilis ang pangyayari kaya hindi na niya alam kung ano ang naging sanhi upang madulas ang kanyang motor. (UNTV News)