MANILA, Philippines — Nanawagan ang PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sa mga bus operator na salaing mabuti ang mga nag-aapply na driver bago tanggapin ang mga ito sa kanilang kompanya.
Ang panawagan ay kasunod ng pagkakahuli kahapon ng AIDSOTF sa isang dating security guard na nagsisilbing supplier ng shabu sa mga bus driver at konduktor sa south terminal sa Alabang.
Ayon kay PNP-AIDSOTF Legal & Investigation Chief P/CInsp. Roque Merdegia, walang masama kung isama sa requirements ang pagpapa-drug test sa mga bus applicant lalo’t tinanggal na ng Land Transportation Office o LTO ang drug testing sa pagkuha ng lisensya.
Dagdag ni Merdegia, dapat ring isailalim sa drug test kada anim na buwan ang lahat ng bus driver sa isang bus company.
“Yung mga bus operators, dapat maging mahigpit sila sa pagtanggap ng mga drivers, as much as possible ay maging mandatory sa kanila ang drug testing.”
Sinabi pa ni Merdegia na masasakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero dahil sa adik na driver.
“Kung ang isang driver ay nasa ilalim ng ipinagbabawal na gamot ay baka akala niya ay eroplano ung kanyang dala at paliparin na lang sa skyway.”
Hindi naman tutol ang ilang driver at dispatcher sa panukala ng PNP-AIDSOTF.
“Taon-taon ay meron naman kaming physical exam para sa mga empleyado, driver at konduktor. Nagha-hire ang kompanya ng mga nagme-medical sa amin dito at kompanya ang nagbabayad,” pahayag ni Mr. Angelus Humarang, Victory Liner dispatcher.
“Dapat lamang na maipatupad na yan para sa kaligtasan ng mga pasahero, commuters,” ani Francis Managuelod, Victory Liner driver.
Idinagdag pa ng opisyal na base sa natatanggap nilang report, sa loob pa ng nakaparadang bus nagsha-shabu ang mga driver at konduktor ilang minuto bago bumiyahe ang mga ito. (Lea Ylagan, UNTV News)