MANILA, Philippines — Ipinabatid ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Libya na bukas na ito upang palitan ang dala nilang Libyan dinars ng Philippine peso.
Sa statement ng BSP, inaprubahan ng monetary board ang pagbubukas ng Currency Exchange Facility o CEF bilang bahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga nagbabalik na OFW mula Libya.
Batay sa bagong patakaran, ang mga OFW at kanilang pamilyang nakabase sa Libya ay maaring magpapalit ng Libyan dinars na hindi lalampas sa dalawampung libong piso bawat isa.
Saklaw nito ang mga OFW na nakauwi na ng bansa mula noong Mayo 29,2014.
Tatanggapin naman ng BSP ang kanilang Libyan dinars sa loob ng apat na buwan.
Ang pagpapalit sa Libyan dinars ay maaaring gawin sa head office ng BSP, regional offices, branches at authorized agents nito.
Ang Libyan dinars CEF ay ang ikapitong facility na binuksan ng BSP.
Una nang nagbukas ng CEF ang BSP noong 1990 sa Iraq at 2003; Hezbollah conflict sa Israel noong 2006; Libyan conflict noong 2011; at Syrian at Egyptian conflict noong nakaraang taon.
Sa ngayon, tinatayang mahigit sa labingisang libong Pilipino pa ang naiipit sa kaguluhan sa Libya. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)