MANILA, Philippines — Mahigit tatlumpung sentimo kada kilowatt hour ang madadagdag sa bill ng mga customer ng MERALCO ngayong Agosto.
Ibig sabihin ang mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour ay magkakaroon ng mahigit animnapung piso na dagdag sa bayarin.
Ayon sa MERALCO, mataas na generation charge at transmission charge ang dahilan ng pagtaas sa singil sa kuryente ngayong buwan dulot na rin ng paggalaw ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.
Maging ang sunod-sunod na di inaasahang shutdown ng ilang planta noong nakaraang buwan ng manalasa ang Bagyong Glenda ay nakaambag sa mas mataas na halaga ng kuryente
“Na-aggravate pa po ito ng tama at hagupit ng Bagyong Glenda, so yung damages caused by the typhoon,” ani MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga.
Nilinaw naman ng MERALCO na ang generation charge ay pass thru charges lamang at walang anumang napupunta sa kompanya.
Samantala, nakatulong ang secondary cap na ipinapatupad ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang mapigilan ang mas mataas na bayarin sa kuryente.
Ang secondary cap ang siyang naglilimita sa merkado upang huwag mag presyo ng mataas.
“Nag e-effect ang secondary cap at ang preyuhan ay malilimitahan na lamang sa anim na piso sa merkado,” pahayag ni ERC Director Atty. Francis Saturnino Juan.
Bukas mag e-expire ang implementasyon ng secondary cap subalit palalawigin pa ito ng ERC ng 120 days o apat na buwan upang mapanatili ang mababang presyo ng kuryente sa merkado. (Mon Jocson, UNTV News)