MANILA, Philippines — “Kumpleto na at nakatakda nang i-deploy sa limang distrito sa Metro Manila ang 900 pulis na dagdag pwersa sa pagpapatrolya sa mga lansangan.”
Ito ang sinabi ni Chief P/Dir. Carmelo Valmoria kasabay ng kanilang ika-113th anniversary ng National Capital Region Police Office o NCRPO.
Ayon kay Valmoria, pangunahin pa rin nilang tinututukan ay ang limang crime prone areas kabilang ang Baclaran sa Southern Police District, Kalentong sa Eastern Police District, Cubao sa Quezon City Police District, Monumento sa Northern Police District at University Belt sa Manila Police District.
“They will be deployed for their field training exercise sa lahat ng districts and will be supervised by field training officer,” ani Valmoria.
Ibinida rin ng NCRPO ang mga bagong sasakyan ng iba’t ibang distrito na magagamit nila sa kanilang mga operasyon lalo na sa rescue operations kapag may kalamidad.
Ganundin ang desk on wheels na sinimulan na ng Quezon City Police District o QCPD upang mas mapalapit sa taongbayan.
Pinuri din ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Alan Purisima ang 48% crime solution efficiency ng NCRPO na mas mataas sa 36% nang nakaraang taon.
Subalit agad ding hinamon na solusyunan ang riding in tandem criminals.
“Inaasahan ko na lalo pang magpakitang gilas ang kapulisan ng NCRPO sa mga darating pang panahon, kaya naman hinihikayat ko na kayo ay magsumikap pa upang matugunan ang lahat ng hamong inyong haharapin,” saad ni Purisima.
Ginawaran naman ng parangal ang iba’t ibang unit at indibidwal sa hanay ng PNP para sa kanilang maayos na pagta-trabaho.
Ito ay kinabibilangan nina: QCPD Director P/CSupt. Richard Albano dahil sa paglaban sa ilegal na droga at pagkakakumpiska ng maraming bilang ng loose firearms.
Maging ang Southern Police District sa pangunguna ni P/CSupt. Jose Erwin Villacorte dahil sa kahandaan sa disaster rescue and relief operations at ang paglaban sa ilegal na droga.
Maging ang Valenzuela City Police Station dahil sa pangunguna sa lahat ng estasyon sa pagsugpo ng krimen. (Lea Ylagan, UNTV News)