Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Paghuli kay Palparan sa pamamagitan ng joint operation ng AFP at NBI, maituturing na tagumpay

$
0
0

(L-R) Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang and Department of National Defense Secretary Voltaire Gazmin (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng International Humanitarian Law ay nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation si Ret. Army Major General Jovito Palparan.

Malaki ang naitulong ng Armed Forces of the Philippines Naval Intelligence Service sa pagkakaaresto kay Palparan.

Ito’y matapos na magbigay sila ng impormasyon sa National Bureau of Investigation kung saan nagtatago ang retiradong heneral.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang, bagamat namamataan ito sa mga lugar ng Bulacan, Bataan at Zambales ay nadakip naman ito sa Teresa St., Sta. Mesa, Manila matapos na mag-withdraw sa isang atm kaninang pasado alas tres ng madaling araw.

Sinabi ng heneral, nahirapan sila sa paghahanap kay Palparan dahil dati rin itong intelligence officer.

Habang nagbabala naman ito sakaling totoo ang balitang itinago ito ng ilang miyembro ng AFP kaya’t hindi agad natagpuan.

Pahayag ni Gen. Catapang, “They will be investigated kung pano sila na-involved sa pagtatago kay Gen. Palparan.”

Ayon pa kay Catapang, mahaharap na ni Palparan ang lahat ng kasong isinampa laban sa kanya kabilang ang umano’y paglabag sa karapatang pantao. Makakapagpagamot na rin ito sa kanyang mga sakit.

“In fact, noong nahuli siya sabi niya, ‘ mabuti na nahuli na ako’ kasi marami na daw syang sakit at kailangan magamot siya.”

Dagdag pa ng AFP Chief of Staff, “Mas mabuting nahuli siya para harapin niya lahat ang akusasyon sa kanya especially yung human rights violations niya.”

Idinagdag pa ng heneral handa naman silang bigyan ng seguridad ang pamilya ni Palparan kung hihilingin ng mga ito.

Subalit, mananatili ito sa kustodiya ng NBI hanggang hindi iniutos ng korte kung saan ito dadalhin.

Matatandaang, noong 2012 ay ipinag-utos ni DND Sec. Voltaire Gazmin ang paghuli sa lahat ng kalaban ng estado sa pagbuo ng Task Force Runway.

Pahayag ni Sec. Gazmin, “Kasama yun sa mandato ng trabaho ko, eh. Hulihin lahat ng mga taong nanggugulo sa ating society in coordination with other agencies. So I instructed the AFP to come up with the task force dedicated with that particular mission.”

Si Palparan na isa sa big 5 fugitive  ay dinakip dahil sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa umano’y pagdukot sa dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006 sa Bulacan.

Base sa pahayag ng intelligence service of the Armed Forces of the Philippines, tatlong beses nang muntik mahuli ng New People’s Army si Palparan  habang nagtatago, kayat mas pinili na aniya nito ang mahuli ng militar kesa mapatay ng mga itinuturing niyang kalaban. (LEAH YLAGAN /  UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481