MANILA, Philippines — Lalo pang tumibay ang kaso ng pagkawala ng dalawang University of the Philippines (UP) student-activists na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño dahil sa pagkahuli kay dating Major General Jovito Palparan madaling araw kahapon.
Ayon sa ina ni Sherlyn na si Erlinda Cadapan, malaki ang paniniwala niyang uusad na nang kaso sa paglutang ng itinuturong suspek sa pagdukot sa kanyang anak.
“Yung pagkahuli sa kanya, isang hakbang para mabigay ang hustisya sa anak at iba pang biktima”
Malaki naman ang paniniwala ng ina ni Karen na si Gng. Connie Empeño na isang patunay na guilty sa kinakaharap na kaso ang dating heneral dahil sa pagtatago nito.
“Halos mag-3years, guilty siya. Bakita ayaw niya humarap?”
Matibay ang paninidigan ng dalawang ina na nagsasabi ng totoo ang kanilang testigo na si Raymond Manalo na isa rin sa mga umano’y dinukot ng militar sa Bulacan noong 2006.
Sa salaysay ni Manalo, personal niyang nakasama sina Sherlyn at Karen sa iba’t ibang kampo ng militar sa loob ng sampung buwan, at nasaksihan ang umano’y ginawang pag-torture sa mga ito ng mga militar.
Aniya, dinala siya sa Camp Tecson at doon na nakita niya si Sherlyn, nakatali ng kadena ang paa. Mga sumunod na araw, dinala na rin si Karen.
“Doon ko na nasaksihan ang matitinding pahirap ni Karen at Sherlyn. Si Sherlyn, binitin ng patiwarik ng isang paa, pinaglaruan ang maselang bahagi ng pagkababae niya, pinagpapaso, pinagpapalo,” paliwanag nito.
“Si Karen ay parang baboy na nakagulong sa lupa, nakatali din ang kamay at paa habang pinagpapapalo, tino-torture, kinukuryente,” dagdag nito.
Hinamon pa ni Manalo ang dating heneral na magsabi ng katotohanan.
“Hinahamon ko siya ng face-to-face trial para malaman sino ang sinungaling. Lahat ng sinasabi niya ay puro kasinungalingan.”
Hindi naman nawawalang pag-asa ang dalawang ina na makikita pa nilang buhay ang kanilang anak kasunod ng pagkakaaresto kay Palparan.
“I know the two victims are alive. Yun ang pinanindigan ko na may alam sila kung saan,” ani Erlinda Cadapan. (Bianca Dava, UNTV News)