MANILA, Philippines — Siyamnapu’t tatlong porsiyento (93%) ang naitalang pagtaas ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Desk sa mga kaso ng child abuse.
Mula sa 9, 737 kaso ng pang-aabuso sa mga bata mula Enero hanggang Hunyo noong 2013, tumaas ito sa 18, 801 para sa unang anim na buwan ngayong taon.
Sa ibat- ibang ang kategorya ng pang- aabuso sa mga kabataan tulad ng rape, attempted rape, child labor, child trafficking at iba pa ay pinaka-maraming insidente o kaso ay ang pananakit o physical abuse.
Habang ang mga rehiyong may pinakamaraming kaso ng child abuse ay ang Region 11, 10, Region 6, Region 4-A at National Capital Region o NCR.
“2, 846 last year versus 5,396, that is for physical injuries alone,” ani PNP Women and Children Protection Center Chief P/CSupt. Juanita Nebran.
Ang nakakalungot pa rito ay mismong mga magulang at kamag-anak ang nagsasagawa ng pananakit.
“Base sa mga interviews natin na kaya nagkaroon ng problema ang pamilya, napapagbalingan na nila ang mga anak dahil sa problema sa loob ng pamilya.”
Umakyat din ang kaso ng child trafficking kung saan mula sa 58 noong 2013, tumaas ito sa 67 ngayong taon mula Enero hanggang Hunyo.
Base sa record pinakamataas ang NCR ngayong taon na nasa 15 cases, Pampanga na nasa 11 kaso, Cebu at probinsya sa Region-4a na parehong may walong naitalang kaso.
Ipinaliwanag din ng heneral na ang biglang paglobo ng bilang ay bunsod na rin ng maayos at tamang reporting ng crime incidents na ginagawa ng PNP.
“Established na po ung Women and Childrens Protection Desk po natin nationwide at tsaka with all our advocacy and efforts, nakikita na ng community natin na dapat na talaga silang mag-report.”
Payo ng PNP Womens and Children Protection Desk, iwasan ang maling disiplina sa mga anak dahil ito rin ang naghuhubog sa kanila kung anong klaseng mamamayan sila pagdating ng araw. (Lea Ylagan, UNTV News)