MANILA, Philippines — Nabawasan na ang bilang ng mga naka-tenggang empty containers sa Manila Ports na dahilan ng matinding congestion sa pantalan.
Ang dating 22,000 empty containers na nakatambak sa Manila Ports noon, ngayon ay nasa 12,000 na lang.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), mababawasan pa ito dahil sa patuloy na pag pullout ng mga shipping lines sa mga empty container sa pantalan.
Bumaba na rin sa 20,000 ang dating 37,000 na held up containers sa foreign ports.
3,000 overstaying containers naman ang sinimulan nang alisin ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI).
Sa nakalipas na dalawang buwan, pumalo sa 99,000 ang nakatenggang container sa Manila Ports kaya umabot sa 105% ang yard utilization. Subalit ayon sa PPA, sa ngayon ay nasa 87-90% na lang ang yard utilization sa pier.
Ang bahagyang pagluwag ay resulta ng ipinatupad na mitigating measures ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ayon pa sa PPA, ang congestion ay bunga ng ipinatupad na truck ban sa Maynila na naglimita sa galaw ng mga truck.
Kahit naglagay na ng express lane para sa mga truck, nagdulot naman ng pila ang truck ban na tumagal ng tatlong buwan.
Kahit may bahagyang pagluwag sa pantalan, sinabi ni PPA General Manager Juan Sta. Ana na kailangan pang alisin ang mahigit sa walong libong container.
Ayon sa Philippine Ports Authority, pumayag na ang mga business groups na ilabas ng weekend ang kanilang mga cargo upang mapabilis ang decongestion sa pantalan.
Kasama na sa hakbang upang mapaluwag ang pantalan ay ang paglalagay ng empty container depots at pagalis sa mga overstaying containers sa pier.
Subalit ang isang nakikitang solusyon pa sa problema ay alisin ang truck ban rule sa ilang ruta patungong silangan ng Maynila gaya ng Ortigas, Marikina at Pasig.
Makikipagpulong naman ang Cabinet Cluster on Port Congestion sa Metro Manila mayors upang pagusapan ang nasabing panukala. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)