MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang sampung libo pisong dagdag sa sahod at benepisyo na tinatanggap kada buwan ng mga basic education teacher.
Sakaling maging batas, tatanggap ang mga guro ng P4,000 kada buwan sa unang taon, P3,000 sa susunod na taon, at P3,000 sa ikatlong taon.
Mabibigyan din ng magna carta bonus ang mga guro kabilang ang P1,000 na medical allowance bawat taon.
Sa kasalukuyan, ang isang basic school teacher ay nakatatanggap ng basic pay na mahigit P18, 000 kada buwan, at kapag nadagdagan ito ng mga compensation at ilang benepisyo ay maaari itong tumaas hanggang P20,000.
Gayunpaman, hindi pa rin umano ito sapat upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Suportado naman ng DepED ang panukalang batas ni Senator Aquino, ngunit isang hamon aniya kung saan kukunin ang pondo para rito.
“Hindi naman ganoon kadali iyon dahil ang pinaguusapan natin sa kagawaran lang ng edukasyon more than 600,000 tayo eh. So imagine mo yung 600 thousand i-multiply mo iyong 4,000 palang, 4,000 times 13 months, so ilang bilyon iyon. Ganoon kalaki ang kailangan ilaan ng ating pamahalaan,” pahayag ni DepED Asec. Jess Mateo.
Kahit ang mababang kapulungan ng Kongreso ay nagsusulong din ng kaparehong panukalang batas upang madagdagan ang sahod ng mga guro sa bansa.
“Yung House bill 245 natin is calling for increasing the starting salary of teachers to 25,000 a month. Kasalukuyan P18,500 ang para sa public school teacher, it also calls for increasing the entry level salary of non-teaching personnel from P9,000 to P15,000,” pahayag naman ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)