MANILA, Philippines — Nagpapakawala na ngayon ng tubig ang Angat Dam para sa irigasyon ng mga palayan kahit wala pa sa normal low water level na 180 meters ang naiipong tubig dito.
Ito ngayon ang kinukwestyon ng Manila Water dahil labag umano ito sa protocol sa alokasyon ng tubig.
Ayon kay Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla, dapat ay nag-iipon pa rin ngayon ng tubig ang dam upang masustinehan ang pangangailangan para sa susunod na taon.
“Sinasabi dito kapag umabot ka ng 180 meters ay dapat ang prayoridad ay domestic consumption, pero nagpawala pa rin ng tubig sa irigasyon. So ang inaasahan natin na pagtatapos na August na mga 177 na lebel ng Angat Dam dahil sa releases na ito ang mangyayari ay babagsak tayo to 176.4 so mas mahihirapan tayo na magrecover for Angat for next year.”
Dagdag pa nito, sa ngayon ay bawas din ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila subalit nakapagbigay ang Angat Dam ng mas malaking alokasyon para sa irigasyon.
“Tinatanong din natin kung ano ba ang naging basehan kung bakit nag-release sila ng 42 cm / sec para sa National Irrigation Administration o NIA at tayo ay binawasan at ginawang 39. Nasaan doon yung prayoridad ng domestic supply,” ani Sevilla.
Paliwanag naman ni Engr. Rodolfo German ng Angat Dam, malaking bahagi kasi ng palayan na sinusuplayan nito ay nangangailangan na ng tubig dahil panahon na ng taniman.
“Kailangang-kailangan kasi dahil meron pang hindi natatamnan na 35% ang sineserbisyuhan ng NIA so limang araw lang naman yun eh.”
Sinikap naman ng UNTV News na kunin ang panig ng National Water Resources Board (NWRB).
Naniniwala naman ang NIA na nabigyan nila ng sapat na dahilan ang NWRB upang pagbigyan ang kanilang request.
Ayon kay NIA-Region 3 Manager, Engr. Reynaldo Puno, nasa 14-libong ektarya ng palayan ang kailangang patubigan upang hindi matuyo kahit madalas na ang mga pag-ulan.
Aniya, “Kasi ini-evaluate naman nila, baka naman inevaluate ng NWRB na ok pa naman yung ating naisu-suplay sa Metro Manila kaya siguro pinagbigyan kami.”
Samantala, nagrequest na rin ng karagdagang pondo ang Department of Agriculture (DA) sakaling maranasan ang El Nino phenomenon sa bansa.
Sa ngayon ay tuloy pa rin ang cloud seeding operation upang makadagdag sa suplay ng tubig lalo na sa Angat Dam.
“Sa ngayon actually may mga request pang cloud seeding somewhere sa north mga more on water management. Halos 60% of the proposed additional budget ay nakatuon po doon,” pahayag pa ni DA Field Operations Director Roy Abaya. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)