MANILA, Philippines — Hindi na umabot sa Sta. Mesa Station ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) matapos madiskaril ito kahapon ng umaga, Lunes.
Sa kuha ng isa sa mga residenteng nakatira malapit sa riles, makikitang naalis sa riles ang gulong ng isa sa mga bagon ng tren.
Batay sa mga bakas sa riles, nakatakbo pa ng ilang metro ang tren matapos madiskaril bago tuluyang huminto.
“Biglang hinto, tumigil umi-slide yata nagkaroon ng problema sa dulo parang naano lang yung mga pasareho nagpanic, nataranta, nagkagulo, nagtakbuhan dito sa harapan nagtalunan. Akala nila tataob yung tren, nagtalunan sila,” pahayag ni Joey Vio na nakasaksi sa pangyayari.
Ipinaliwanag naman ng PNR ang posibleng problema kaya gumalaw ang riles ng tren.
“Ang makikita naman natin ang posibilidad medyo may sira ng konti yung rail tiles, yung nagkakabit sa dalawang riles so pagdaan ng tren ng hindi establish yung riles gumalaw yung riles pwede siyang sumikip o lumuwag,” paliwanag ni PNR Spokesperson Paul De Quiroz.
“May possibility pwede natanggal yung clip o sa wear and tear na rin ng concretong rail ties isa o dalawa diyan sa rail ties natin,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, nangangamba naman ang mga mananakay ng tren na posibleng maulit ang nangyaring aksidente.
Ayon kay Ivy Lacandula, “Bilang pasahero, dapat inaayos nila ng PNR management ang kanilang mga sistema para sa kapakanan ng mga pasahero.”
“Delikado sa atin yun di ba mamatay na tayo di natin malalaman.”
“Siyempre natatakot din ako baka kung may mangyari sa anak ko halimbawa malaglag o tuluyang matumba eh nanay ako syempre matatakot din ako,” saad naman ni Teresita Lacandula.
Depensa naman ni Quiroz, “Hindi kasalanan ng driver that’s a maintenance problem eh.”
“Titingnan kung bago masiraan dapat palitan agad i-check kung stable kung may ninakaw na rail clips na di nadaanan kaninang umaga.”
Ayon pa kay Quiroz, bilang bahagi ng maintenance ginawa na nilang 52 ang biyahe ng tren mula sa dating 72.
Wala namang nasaktan sa mga pasaherong sakay ng nadiskaril na tren na pinalipat na lamang sa ibang biyahe.
Matapos maalis ang tren sa pagkakadiskaril, dumating naman ang mga tauhan ng PNR na regular na nag-aayos ng mga riles. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)