MANILA, Philippines – Pasado na sa unang baitang ang tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III, matapos bumoto ng pabor ang mayorya ng mga miyembro ng House Committee on Justice.
Kinonsidera naman ng komite ang mga nakitang technicalities sa dalawang impeachment complaint.
Una sa complaint 0001 na inendorso ni Bayan Muna Party list Rep. Neri Colmenares, imbes grupo ng BAYAN, VACC at KMP ang nakalagay sa complaint ay pinalitan ito bilang individual complaint nina Renato Reyes, Dante Jimenez at Rafael Mariano.
Sa complaint 0002 naman ay walang date of filing, signature, ID at contacts ng mga complainant.
Gayunman, nagkasundo ang mga miyembro na bigyan ng pagkakataon ang mga complainant na itama ang mga ito bago ang kanilang susunod na pagdinig.
“In the interest of justice and liberality we will allow the complainant and endorser to correct the defect,” pahayag ni House Committee on Justice Chairman, Rep. Niel Tupas Jr.
Nanindigan naman ang mga endorser at complainant na walang mali sa kanilang inihaing reklamo.
Hindi nito tinanggap bilang pabor ang kunsiderasyong ibinigay sa kanila ng kumite.
“Tila hinugot po sa kawalan yung objection ni Cong. Rodriguez at mga sumuporta sa kanya, pagpapapogi lang yan sa palasyo ang ginawa nila,” saad ni Kabataan Party-list Rep. Teri Ridon.
Ayon naman sa isa pang complainant na si Atty. Erde Olalia, “There giving us a favor, this is not a favor of the people, this is a duty of the part of committee to look beyond this details.”
Ang tatlong reklamo ay nakasentro sa isyu ng umano’y ilegal na paggamit ng administrasyong Aquino sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
At ang umano’y pagiging labag sa batas ng pagkakalagda sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ngayong pasado na ito sa sufficient in form, susunod na tatalakayin ng komite ay kung ito ay sufficient in substance o posibleng totoo ang alegasyon.
Dito na kailangang sagutin ng respondent ang reklamo subalit maaari itong gawin sa pamamagitan lamang ng sulat.
Pagdating naman pag-aaral kung ito ay sufficient in ground, dito ay obligado ang respondent na personal na dumalo sa pagdinig upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Pagkatapos nito ay aalamin kung ang reklamo ay may probable cause bago tuluyang ipasa ng komite.
1/3 o 98 votes naman ang kailangan mula sa lahat ng miyembro ng kongreso bago ito dalhin sa senado na tatayong impeachment court. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)