MANILA, Philippines — Nabigo ang Philippine national men’s basketball team na maipanalo ang huling tune-up game na ginanap sa Guadalajara, Spain nung Lunes.
Yumukod ang Gilas Pilipinas sa Dominican Republic, 86-79.
Sa pamamagitan ni Jeff Chan, lumamang ang Pilipinas sa fourth quarter ng laro ngunit kaagad na naagaw ng Dominican Republic ang abante sa pangunguna ng dating US NCAA star ni Edgar Sosa.
Aminado naman si Coach Chot Reyes na malakas ang kanilang nakalaban ngunit masaya pa rin ito sa ipinakitang performance ng national team.
Lubos din ang pagpapasalamat nito sa mga Pilipinong walang sawang sumusuporta sa kanila.
“Napakalakas ng nakalaban natin, pero sinabayan natin. Konting breaks ni-render I think we — chance to win. But i am very happy with the effort, at higit sa lahat sa pagsuporta ng ating mga kababayan dito. Maraming salamat po.”
Maging sina Gabe Norwood at Gary David ay lubos ang pasasalamat sa mainit na pagtanggap at pagsuporta ng ating mga kababayan
“We thank you so much, great support, even after a lost, we hope to make you proud,” ani Guard-Forward Gabe Norwood.
“Sa lahat ng mga kababayan nating sumuporta dito sa game sa Guadalajara, maraming maraming salamat at lahat ginagawa namin para sa inyo,” saad naman ni Gilas forward Gary David.
Sa kabila ng pagkatalo, saludo pa rin at patuloy na susuporta ang marami nating kababayan sa mga manlalarong Pilipino.
“Sumusuporta po kami sa Gilas dahil Pilipino tayo,” masayang pahayag ni Tess San Jose, Team Gilas fan. (Aiza Manansala / Ruth Navales, UNTV News)