MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagbuo ng Philippine National Police Anti-Drug Unit na makatutulong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay AIDSOTF Legal & Investigation Division Chief P/CInsp. Roque Merdegia Jr., welcome development ito sa kanilang hanay upang mas matutukan at maging maayos ang kanilang trabaho.
Ito’y dahil mas madadagdagan na ang kanilang budget at tauhan na mula sa 150 pulis ay maaring umabot na ito sa dalawang libo.
“Kailangang mag-create ng drug unit sa PNP para i-complement yung PDEA para sa pagsugpo sa ipinagbabawal na droga. Ito’y magandang development para naman upang ang problema ng PNP sa illegal drugs ay ma-address,” saad ni Merdegia.
Paliwanag pa ng opisyal, iniutos din ng DOJ ang pagkakaroon ng close coordination sa PDEA na siya pa ring lead agency ng pamahalaan pagdating sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“Ang unit na iki-create ng PNP ay dapat under ng organization control ni CPNP yun ang kondisyon don,” pahayag pa ni Merdegia.
Magugunitang taong 2009 nang ibasura ng DOJ ang panukala ng PNP na bumuo ng Narcotics Investigation and Monitoring Center kaya naman muling naghain ng motion for reconsideration si PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima na kinatigan naman ng DOJ noong nakaraang buwan. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)